Home NATIONWIDE DICT exec sinuspinde ng Ombudsman sa P1.55B contracts

DICT exec sinuspinde ng Ombudsman sa P1.55B contracts

2
0

MANILA, Philippines — Isinailalim ng Office of the Ombudsman sa anim na buwang preventive suspension si Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary for E-Government David Almirol Jr. kaugnay ng umano’y conflict of interest sa mga kontrata ng gobyerno na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1.55 bilyon.

Nag-ugat ang kautusan sa mga nakabinbing administrative complaint laban kay Almirol para sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service, gayundin sa criminal complaint kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Batay sa pitong pahinang kautusan ng Ombudsman, nagsimula ang usapin sa June 2025 report ng DICT Internal Audit Unit na nag-flag ng posibleng conflict of interest kaugnay ng pagkuha ng ilang dating tauhan ng Multisys Technologies Corporation at paggawad ng mga kontrata sa mga kumpanyang may kaugnayan umano rito.

Itinatag ni Almirol ang Multisys noong 2010 at nagsilbing president at chief executive officer nito nang mahigit isang dekada bago siya itinalagang DICT undersecretary noong Agosto 2022.

Si Almirol din ang nanguna sa development at rollout ng eGovPH Super App.

Ayon sa Ombudsman, lumitaw sa karagdagang imbestigasyon na hindi bababa sa walong eGov-related contracts ang iginawad ng DICT mula Nobyembre 2023 hanggang Mayo 2025 sa ilang kumpanyang may financial relationships umano sa Multisys.

Umaabot sa kabuuang P1.55 bilyon ang halaga ng mga kontrata para sa ICT consultancy, deployment ng e-government applications, web-based messaging services, cloud infrastructure, data center colocation at software subscriptions.

Sinabi rin ng Ombudsman na batay sa audited financial statements ng Multisys, nakatanggap ito ng P110.8 milyon noong 2023 at P514.6 milyon noong 2024 mula sa mga kaugnay na kumpanya para sa managed services.

Lumabas din umano sa records na hindi agad nakapag-divest si Almirol matapos ang kanyang appointment sa DICT.

Batay sa General Information Sheet ng Multisys na notarized noong Oktubre 27, 2022 at natanggap ng Securities and Exchange Commission noong Nobyembre 2, nakalista pa si Almirol bilang stockholder na may hawak na 49.21% ng kumpanya.

Sa sumunod na GIS na notarized noong Nobyembre 18 at natanggap ng SEC noong Nobyembre 21, 2022 na lamang siya tinanggal sa listahan ng stockholders.

Ayon sa Ombudsman, nakakita ito ng “strong evidence” na sumusuporta sa administrative charges at maaaring maapektuhan ang imbestigasyon kung mananatili sa puwesto si Almirol dahil sa kanyang access at custody sa mga dokumento at ebidensyang may kaugnayan sa kaso.

Agad na ipatutupad ang preventive suspension.

Gayunman, ang preventive suspension ay hindi pa pinal na desisyon sa mga reklamong isinampa laban kay Almirol at hindi nangangahulugang napatunayan na siyang nagkasala. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here