MANILA — Itinutulak ng Department of Energy (DOE) ang paggamit ng nuclear power bilang karagdagang mapagkukunan ng kuryente habang pinalalawak ng Pilipinas ang renewable energy at naghahanda sa patuloy na paglaki ng demand sa enerhiya.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kailangan ng bansa na magkaroon ng mas diversified na energy sources upang matiyak ang sapat at maaasahang suplay ng kuryente habang lumalago ang ekonomiya.
Target ng pamahalaan na itaas ang bahagi ng renewable energy sa power generation mix sa 35 porsiyento pagsapit ng 2030 at 50 porsiyento sa 2040.
Sa kanyang talumpati sa Joint World Nuclear Supply Chain Conference at Philippine International Nuclear Energy Forum sa Taguig City, sinabi ni Garin na muling nabibigyan ng pansin ang nuclear power bilang isang reliable at low-carbon source ng kuryente.
Batay sa datos na binanggit ng kalihim, umabot na sa 20.1 gigawatts ang peak electricity demand ng bansa, habang nasa humigit-kumulang 32.5 gigawatts ang installed generating capacity noong Hulyo 2026.
Mahigit kalahati o 51.5 porsiyento ng kabuuang primary energy supply ng Pilipinas ay mula sa imports, dahilan upang maging vulnerable ang bansa sa pagbabago ng presyo at problema sa global supply.
Dahil dito, nakikita ng DOE ang nuclear energy bilang isa sa mga opsyon upang palakasin ang energy security ng bansa.
Target ng pamahalaan na magkaroon ng 1,200 megawatts na nuclear power capacity sa 2032, na palalawakin sa 2,400 MW pagsapit ng 2035 at 4,800 MW sa 2050.
Nilinaw naman ni Garin na hindi layunin ng nuclear program na palitan o makipagkompetensiya sa renewable energy.
Sa halip, maaari aniyang magsilbing matatag na baseload source ang nuclear power upang suportahan ang pagdami ng renewable energy sources tulad ng solar at wind.
Kasabay nito, ginagamit ng DOE ang Milestones Approach ng International Atomic Energy Agency (IAEA) upang palakasin ang legal, regulatory at institutional framework para sa posibleng paggamit ng nuclear energy.
Kabilang sa mga kailangang paghandaan ang emergency response, radioactive waste management, pagpapaunlad ng skilled workforce at pakikipag-ugnayan sa publiko.
Nakikipagtulungan din ang Pilipinas sa Japan, United States, South Korea at Hungary para sa technical exchanges, nuclear safety, regulatory capability at pagsasanay ng mga kinakailangang eksperto.
Ayon kay Garin, hindi lamang pagtatayo ng nuclear power plants ang kailangan upang maabot ang mga target.
Kailangan din aniya ng matatag na mga institusyon, malaking puhunan, trained professionals, qualified suppliers at maaasahang supply chain na sumusunod sa international safety standards.
Patuloy namang nakatengga ang Bataan Nuclear Power Plant na natapos noong dekada 1980 ngunit hindi kailanman ginamit para sa commercial power generation. RNT