GENEVA — Posibleng uminit nang 2.6 degrees Celsius ang mundo pagsapit ng 2100 kahit ganap na matupad ng mga bansa ang kanilang kasalukuyang mga pangako na bawasan ang greenhouse gas emissions, ayon sa bagong ulat ng United Nations Environment Programme (UNEP).
Sa Emissions Gap Report 2026, sinabi ng UNEP na nananatiling malayo ang kasalukuyang climate commitments sa layunin ng Paris Agreement na panatilihin ang global warming well below 2°C at sikaping limitahan ito sa 1.5°C above pre-industrial levels.
Kung kasalukuyang mga polisiya lamang ang magpapatuloy, maaaring umabot pa sa 2.8°C ang global warming ngayong siglo.
Ayon sa UNEP, hindi na maiiwasan ang pansamantalang paglampas sa 1.5°C threshold dahil sa ilang dekada ng hindi sapat na pagbawas sa emissions.
Gayunman, hindi nangangahulugan na permanenteng mawawala ang 1.5°C target.
Sa pinakamababang posibleng overshoot scenario ng UNEP, maaaring umabot muna sa 1.7°C hanggang 1.8°C ang peak warming bandang kalagitnaan ng siglo bago maibalik sa 1.5°C o mas mababa pagsapit ng 2100.
Para mangyari ito, kinakailangang bawasan ang global greenhouse gas emissions ng 18 porsiyento pagsapit ng 2030, 45 porsiyento sa 2035 at 69 porsiyento sa 2040, kumpara sa 2025 levels.
Sa kasalukuyang climate pledges, tinatayang 5 hanggang 8 porsiyento lamang ang magiging bawas sa emissions sa 2030 at 11 hanggang 15 porsiyento sa 2035.
Nagbabala si UN Secretary-General António Guterres na patuloy na nararanasan ang epekto ng climate change sa pamamagitan ng matitinding pagbaha, heatwave, wildfire at iba pang kalamidad.
Binigyang-diin naman ng UNEP na bawat karagdagang bahagi ng isang degree ng warming ay nagpapataas sa panganib ng mas matinding extreme weather at irreversible changes sa ecosystems.
Ayon sa report, nananatili sa record levels ang global greenhouse gas emissions, habang bahagyang tumaas noong 2025 ang carbon emissions mula sa pagsusunog ng coal, oil at gas.
Sinabi rin ng UNEP na kailangan ng mas mabilis na pagpapalawak ng renewable energy, pagpapahusay ng energy efficiency, pagbabawas ng paggamit ng fossil fuels at mas agresibong pagbawas sa methane emissions upang paliitin ang magiging overshoot ng 1.5°C target.
Binigyang-diin ng UN na bagama’t hindi na maiiwasan ang paglampas sa 1.5°C, maaari pang bawasan ang tindi at tagal nito kung agad at malakihan ang gagawing pagbawas sa emissions. RNT