Home METRO HVI bebot, arestado sa buy-bust ops sa Baseco

HVI bebot, arestado sa buy-bust ops sa Baseco

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 76-anyos na babae na itinuturing na high-value individual (HVI) at isang 33-anyos na lalaki sa buy-bust operation sa Baseco Compound, Maynila, madaling-araw ng Miyerkules, Oktubre 21. Nasamsam sa operasyon ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P105,000.

Kinilala ng Manila Police District (MPD) ang mga suspek na sina alyas Shik-Shik, 76, residente ng Block 9, Old Site, Baseco Compound, at alyas John, 33, isang messenger na nakatira sa Block 7 ng nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon bandang 12:05 a.m. sa isang eskinita sa Block 9, malapit sa Al Rahman Muslim Mosque sa Barangay 649, Port Area.

Pinangunahan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Baseco Police Station, sa pamumuno ni PLT Mark Jason N. Ramos at sa ilalim ng superbisyon ni station commander Lt. Col. Rommel S. Anicete, ang operasyon kontra ilegal na droga.

Nakumpiska ang tatlong heat-sealed plastic sachet na may hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 15.54 gramo at nagkakahalaga ng P105,672.

Ayon sa MPD, nahaharap si Gapas sa mga kasong pagbebenta at pagmamay-ari ng ilegal na droga sa ilalim ng Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Si John naman ay nahaharap sa kasong pagmamay-ari ng ilegal na droga sa ilalim ng Section 11 ng parehong batas.

Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek at nakatakdang iharap sa Manila City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here