ZAMBOANGA CITY, Philippines – Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City ang klase mula preschool hanggang Grade 12 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan nitong Huwebes, Oktubre 22, dahil umabot sa 43°C ang heat index.
Ipinatupad ang suspensiyon ni City Caretaker and Administrator Percival Ramos sa utos ni Mayor Khymer Olaso, kasunod ng pinakahuling forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Upang hindi maputol ang pag-aaral, pinayuhan ang mga paaralan na gumamit ng alternatibong paraan ng pagkatuto, gaya ng distance o online learning.
Nagpaalala rin ang pamahalaang lungsod sa publiko na mag-ingat laban sa mga sakit na dulot ng matinding init, kabilang ang heat cramps, heat exhaustion at heat stroke.
Ayon sa PAGASA, ang heat index na 42°C hanggang 51°C ay nasa “Danger” level. Posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, habang maaari ring magkaroon ng heat stroke kapag nagpatuloy ang pagkabilad sa matinding init. RNT/MDS