Home METRO Visayas grid, isinailalim sa red, yellow alert ngayong Huwebes

Visayas grid, isinailalim sa red, yellow alert ngayong Huwebes

1
0

MANILA, Philippines – Ilalagay sa red at yellow alert ang Visayas power grid ngayong Huwebes, Oktubre 22, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Sa advisory ng NGCP, ipatutupad ang red alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi, bago sundan ng yellow alert mula alas-6 hanggang alas-7 ng gabi.

Ayon sa NGCP, idinedeklara ang red alert kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente para matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at mga kinakailangan sa pagpapatakbo ng transmission grid. Samantala, inilalabas ang yellow alert kapag kulang ang reserbang suplay para sa mga posibleng aberya sa grid.

Kabilang sa mga dahilan ng alerto ang hindi operasyon ng malalaking coal-fired power plant na PEDC 3 at KSPC 1, gayundin ang limitadong pag-angkat ng kuryente mula Mindanao dahil sa nakatakdang maintenance outage ng GNPK 4 at TSI 2, at hindi planadong outage ng Pulangi 4 Unit 2.

Ayon sa NGCP, nasa 2,608 megawatts (MW) lamang ang kasalukuyang available capacity ng grid, habang umaabot sa 2,581 MW ang peak demand.

Bukod dito, ilang planta ang nananatiling hindi gumagana dahil sa forced outages mula 2021 hanggang ngayong taon. Mayroon ding 21 power plant na tumatakbo sa mas mababang kapasidad, kaya 599.1 MW ang hindi maibigay sa grid. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here