MANILA, Philippines – Nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ng pagpupulong upang paghandaan ang Undas 2026 o paggunita sa All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Pinangunahan ni MMDA Chairman Romando Artes ang pulong na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa Quezon City, San Juan, Marikina at iba pang ahensya at grupo.
Ayon kay Atty. Victor Nuñez, direktor ng MMDA Traffic Enforcement Group, mahigit 2,000 tauhan ng MMDA ang ipakakalat sa mga estratehikong lugar sa Metro Manila para sa Oplan Undas 2026.
Napagkasunduan ding magtatayo ng mga help desk ang mga lokal na pamahalaan, Philippine National Police (PNP) at iba pang kinauukulan sa mga pangunahing sementeryo, kabilang ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery at Loyola Memorial Park.
Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang bibisita sa Manila North Cemetery ngayong Undas, mas mataas kumpara sa 1.8 milyon noong nakaraang taon. Hinikayat ng pamunuan ng sementeryo ang publiko na magdala ng sariling supot ng basura upang mapanatili ang kalinisan.
Samantala, nagdagdag ang Manila South Cemetery sa Makati City ng “emergency button” sa kanilang Puntod Finder upang mas mabilis na makakahingi ng tulong medikal ang mga bisita. Tinatayang 600,000 hanggang 700,000 katao naman ang inaasahang bibisita rito.
Magpapakalat din ang Manila Police District ng 1,500 pulis sa mga estratehikong lugar sa Maynila. Pinayuhan ang publiko na mag-ingat sa pagbabahagi ng kanilang mga aktibidad sa social media.
Naghahanda rin ang Philippine Ports Authority sa inaasahang pagdami ng mga biyahero sa Undas. Muli nitong bubuksan ang Online Reservation Assistance System upang matulungan ang mga pasahero. RNT/MDS