Home HOME BANNER STORY 2 PCG personnel, utas sa pamamaril sa Cotabato City

2 PCG personnel, utas sa pamamaril sa Cotabato City

1
0

COTABATO CITY, Philippines – Patay ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa Roman Vilo Street, Poblacion 6, bandang tanghali nitong Huwebes.

Kinilala ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), ang mga nasawi na sina Seaman Second Class Reniel Agpalo, residente ng Nueva Ecija, at Apprentice Seaman Louther John Vitor, residente ng Butuan City. Pareho silang nakatalaga sa PCG Cotabato City Station.

Kapwa nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mga biktima. Kasama nila sa insidente si Lt. Commander John Paul Cabarrubias, hepe ng PCG Cotabato City Station, ngunit hindi ito nasaktan.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, sakay ang mga biktima ng maroon na Toyota Innova na may plakang JPC 0421 at papunta sa kanilang istasyon nang pagbabarilin sila ng dalawang suspek na sakay ng itim na Honda XRM motorcycle.

Naka-itim na damit at maskara umano ang mga suspek. Pinaputukan nila ang magkabilang panig ng sasakyan bago tumakas.

Nakarekober ang mga imbestigador ng pitong basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa 9mm na baril.

Inaalam ng pulisya kung may kaugnayan sa trabaho ng mga biktima ang pamamaril o kung nag-ugat ito sa personal na alitan.

Nagsagawa agad ng follow-up operations ang mga tauhan ng Police Stations 1 at 4, Mobile Patrol Unit at Cotabato City Mobile Force Company upang matunton at maaresto ang mga suspek. Pinaigting din ang seguridad sa pakikipag-ugnayan sa mga kalapit na police visibility point.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here