Home HOME BANNER STORY Makabayan nanawagang ipa-recall 2027 budget bill

Makabayan nanawagang ipa-recall 2027 budget bill

1
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Makabayan Bloc sa Kamara na ipa-recall ang House version ng panukalang 2027 national budget upang maitama ang mga probisyong sinasabi nitong posibleng labag sa Konstitusyon.

Ginawa ng grupo ang panawagan kasunod ng desisyon ng Supreme Court kaugnay ng 2024 at 2025 national budgets at ilang probisyon sa unprogrammed appropriations ng 2026 budget.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co, maaaring maharap din sa constitutional challenge ang 2027 budget kung mananatili rito ang mga mekanismong katulad ng mga kinuwestiyon ng Korte Suprema.

Dahil dito, nanawagan ang Kabataan Party-list at Makabayan Bloc na ipa-recall ang House Bill No. 10858 o ang proposed P7.2-trillion General Appropriations Bill para sa 2027.

Naaprubahan na ng Kamara ang panukala sa third and final reading noong Oktubre 12 at kasalukuyan itong sinusuri ng Senado.

Sinabi ni Co na kung hindi na ito babawiin ng Kamara, maaari pang amyendahan sa Senado o sa bicameral conference committee ang mga probisyong kanilang kinukuwestiyon.

Sinuportahan ni Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang panawagan at iginiit na dapat tiyakin ng Senado at bicameral conference committee na walang probisyong taliwas sa mga limitasyong inilatag ng Supreme Court.

Nanawagan din si Co sa Office of the Ombudsman at Commission on Audit na imbestigahan ang mga opisyal at implementers na maaaring may pananagutan kaugnay ng mga naunang budget provisions.

Gayunman, ang posibleng pananagutan ng sinumang opisyal ay nakadepende pa sa paghahain ng kaukulang kaso, ebidensya at pagtukoy kung may bad faith sa pagpapatupad ng mga probisyong kinuwestiyon.

Wala pang tugon ang House leadership at House Committee on Appropriations sa panawagan ng Makabayan Bloc sa oras ng ulat. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here