NAGDESISYON na ang Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang General Appropriations Acts ng 2024 at 2025 at ang isang bahagi ng 2026 GAA.
Pinaglaruan ng Kongreso ang mga parametro ng Konstitusyon.
Binalewala ng mga mambabatas ang konstitusyonal na limitasyon sa paglalaan ng mas malaking halaga ng pondo o pagpalolobo sa tinatawag na hindi nakaprogramang alokasyon.
Sadyang pinagplanuhan ng mga mambabatas kung paano tayo mananakawan. Kinuha nila ang pera na para sa edukasyon, kalusugan, at foreign assisted projects sa pamamagitan lamang ng paglipat nito sa “unprogrammed”.
Pagkatapos nito, ipinasok ang mga proyekto sa antas ng distrito bilang mga “nakaprograma” na.
Hindi maliliit na halaga ang pinaglaruan sa kamay ng mga mandarambong.
Sa 2024 GAA, pinalaki ng bicameral conference committee ang mga alokasyon na hindi nakaprograma nang P449.5 bilyon. Sa 2025 GAA, labag sa Konstitusyon na dinagdagan ng Kongreso ng P17.992 bilyon ang alokasyon para sa Special Road Fund.
Ibinasura rin ng Korte ang tinatawag na “Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs” (SAGIP) sa parehong 2024 at 2025 GAA.
Itinuring ito ng Korte na ipinagbabawal na lump sum appropriation.
Hindi maaaring paligtasin sa krimeng ito si Pangulong Bongbong Marcos na siyang pumirma sa badyet upang maging batas. Inamin mismo niya na kanyang nabasa ang 4000-pahinang dokumento ng badyet mula simula hanggang katapusan.
Tumakbo sa ilalim ng depektibong badyet ang bansa sa loob ng tatlong magkakasunod na taon. Daan-daang bilyong pondo ang nawala dahil sa mga katiwalian.
Ngayon, ano ang susunod na mangyayari sa nabunyag na garapal na pambababoy ng mga mambabatas at ng Pangulo sa kaban ng ating bayan? Sino ang hahabulin sa perang maling ginastos at nawala sa nakalipas na tatlong taon?
Sino ang mananagot para sa mga eskandaloso at mga binalikong dokumento sa sesyon ng bicameral committee na nagselyo sa mga illegal insertions?
Tatlong taon binaboy at ginawang raket ng “sindikato” sa Kongreso ang proseso ng ating badyet. Ito ang nagtulak sa bansa upang mahulog at mabaon sa kumunoy ng utang na humigit-kumulang P12 trilyon simula nang maging Presidente si Bongbong.
Paano kakasuhan at patatalsikin ang mga bumaboy at nagnakaw sa pambansang badyet kung ang kakapal ng kanilang mga mukha at ang hihigpit ng kapit nila sa puwesto? Bukayo na, maang-maangan pa ang mga walanghiya!
Mga militar, mga pulis, mga miyembro ng Gabinete at natitirang matitinong mambabatas, hindi pa rin ba kayo nasusuka sa mga ipinakakain sa inyo?






