MANILA, Philippines – Naglabas ng abiso ang Manila Police District (MPD) hinggil sa pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada sa paligid ng Manila North Cemetery bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita ngayong Undas 2026.
Mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, pansamantalang isasara ang ilang pangunahing kalsada malapit sa sementeryo.
Kabilang dito ang kahabaan ng Blumentritt Street mula A. Bonifacio Avenue hanggang Aurora Boulevard.
Isasara rin ang bahagi ng Dimasalang Street mula Retiro hanggang Calavite Street at Maceda Street mula Makiling hanggang Dimasalang Street.
Kasama rin sa road closures ang northbound lane ng Dimasalang Bridge, Aurora Boulevard sa kanto ng Leonor Rivera at Blumentritt Road sa kanto rin ng Leonor Rivera.
Pinayuhan ng MPD ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta at maglaan ng dagdag na oras sa biyahe upang maiwasan ang abala.
Hinimok din ang mga bibisita sa Manila North Cemetery na planuhin nang maaga ang kanilang pagpunta at alamin ang mga itinalagang parking area.
Nauna nang inanunsyo ng pamunuan ng Manila North Cemetery na bukas ito sa publiko mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
Hindi rin papayagang pumasok ang anumang uri ng sasakyan sa loob ng sementeryo sa naturang panahon.
Ipinagbabawal din ang pagdadala ng baril, matatalim na bagay, alak, alagang hayop, malalakas na speaker at iba pang bagay na maaaring makasagabal sa kaayusan at seguridad.
Humingi naman ang MPD ng pang-unawa sa publiko sa posibleng abalang idudulot ng road closures at pinaalalahanang sundin ang traffic advisories at utos ng mga awtoridad sa lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden