MANILA, Philippines – Maaari nang makatanggap ng financial at iba pang suporta mula sa Supreme Court ang mga kwalipikadong organisasyon ng mga abogado na nagbibigay ng legal assistance sa mahihirap, vulnerable at marginalized communities.
Ito ay sa ilalim ng Rules on Institutionalizing Support for Development and Social Change (DSC) na inaprubahan ng Korte Suprema noong Agosto 26 sa ilalim ng Administrative Matter No. 24-07-24-SC.
Layunin ng bagong patakaran na palakasin at gawing mas sustainable ang full-time public interest lawyering, partikular sa mga non-government organization na nagtatrabaho sa grassroots communities na limitado o walang access sa legal services.
Maaaring magpa-accredit sa programa ang lawyers’ organizations na hindi bababa sa limang taon nang nagsasagawa ng development and social change work at nakasusunod sa mga requirement sa financial transparency at accountability.
Tatlong taon ang provisional accreditation ng mga kwalipikadong grupo.
Isang Development and Social Change Council na naka-attach sa Integrated Bar of the Philippines-National Center for Legal Aid ang mangangasiwa sa accreditation at implementation ng programa.
Kabilang sa maaaring matanggap ng accredited organizations ang financial assistance, exemption sa ilang legal fees sa paghawak ng mga kaso, mas madaling compliance sa Unified Legal Aid Service rules at protection laban sa strategic lawsuits against public participation o SLAPP suits.
Hiwalay naman sa accreditation ang paghingi ng financial support.
Ang pondo ay magmumula sa DSC Fund na maaaring pondohan ng Supreme Court sa pamamagitan ng General Appropriations Act at iba pang supplemental sources.
Maaari ring tumanggap ang pondo ng private donations, grants at contributions mula sa development partners.
Sa financial grants, hindi bababa sa 60% ang dapat ilaan sa personnel support gaya ng salaries, government-mandated contributions at iba pang benepisyo.
Ang natitirang bahagi ay maaaring gamitin sa programs, activities, projects at emergency security measures para sa mga personnel na nahaharap sa aktuwal at agarang banta sa kanilang buhay, kalayaan o seguridad.
Kailangang magsumite ang mga organisasyon ng liquidation, accomplishment at financial reports.
Maaaring masuspinde o bawiin ang accreditation ng mga grupong hindi susunod sa reportorial requirements.
Nilinaw din ng Supreme Court na magkaiba ang DSC program at Unified Legal Aid Service o ULAS.
Sa ULAS, obligadong magbigay ang covered lawyers ng 60 oras na pro bono legal services sa loob ng tatlong taon.
Ang DSC naman ay nakatuon sa mga organisasyong may full-time public interest lawyers na nagtatrabaho mismo sa mga komunidad at nagsusulong ng legal reforms laban sa systemic inequalities.
Ayon sa Korte Suprema, bahagi ng programa ang layunin nitong gawing mas accessible ang hustisya sa mga sektor at komunidad na kulang sa legal assistance. RNT