Home NATIONWIDE DA, DSWD pinakikilos ni Gatchalian vs matinding epekto ng El Niño

DA, DSWD pinakikilos ni Gatchalian vs matinding epekto ng El Niño

2
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Department of Agriculture (DA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na paigtingin ang paghahanda para mabawasan ang matinding epekto ng El Niño sa agrikultura, kabuhayan at suplay ng pagkain.

Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng DA, nagbabala si Gatchalian na maaaring sabay-sabay tamaan ng El Niño ang trabaho, produksyon at food supply.

“Maaari itong maging kasing lala ng hidwaan sa Iran, kung saan tumaas ang presyo ng langis. Ito naman, triple whammy: wala ka nang trabaho, wala ka nang output, wala pa tayong makakain,” ani Gatchalian.

“Kaya kailangan talaga nating tiyakin na ang gobyerno ay handa pagdating ng El Niño,” dagdag niya.

Batay sa datos ng DA, umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa agrikultura noong Setyembre, na nakaapekto sa 223,214 magsasaka, 249,028 ektarya ng sakahan at nagdulot ng 163,812 metric tons na production losses.

Sa worst-case scenario ng DA, maaaring umabot sa 4.6 milyon sa 10.4 milyong farmers at fisherfolk ang maapektuhan ng matinding El Niño, habang posibleng pumalo sa P20 bilyon ang agricultural damage at humigit-kumulang 350,000 ektarya ang tamaan.

Inaasahang pinakamalakas ang epekto ng El Niño mula Enero hanggang Abril 2027.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakikipag-ugnayan na ang DA sa DSWD, Department of Labor and Employment at iba pang ahensya para pagsama-samahin ang resources para sa cash assistance, food packs at pansamantalang trabaho ng mga maaapektuhan.

Pinabibilis din ng DA ang solar-powered irrigation projects at naghahanda ng seed, fertilizer, water impounding at iba pang production support.

Sa hiwalay na budget hearing ng DSWD, nanawagan din si Gatchalian na tiyaking may sapat na ayuda para sa mga pamilyang maaaring mawalan ng kita dahil sa tagtuyot.

“Baka hindi natin maabot ’yung target sa poverty reduction,” babala niya.

Sinabi rin ni Gatchalian na isasama sa mga tatalakayin ng Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth o RISE ad hoc committee ang paghahanda ng pamahalaan sa El Niño.

Layunin ng komite na bumuo ng mga hakbang at panukalang batas para tugunan ang pagbagal ng ekonomiya at iba pang panganib sa kabuhayan ng mga Pilipino. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here