MANILA, Philippines – Bahagyang humina ang Bagyong Rosal (international name: Champi) habang patuloy na lumalayo sa bansa nitong Biyernes ng umaga, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Huling namataan ang bagyo sa layong 305 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging 150 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 185 kph.
Ayon sa PAGASA, inaasahang unti-unting hihina si Rosal sa loob ng 24 oras bago mabilis na humina pagkatapos nito. Posible itong maging severe tropical storm pagsapit ng Sabado ng hapon o gabi, at maging tropical storm naman sa Linggo ng umaga.
Inaasahan ding lalabas ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Sabado ng umaga.
Samantala, nananatili ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes at hilagang-silangang bahagi ng Babuyan Islands. Naka-Signal No. 1 naman ang natitirang bahagi ng Babuyan Islands, mainland Cagayan, Ilocos Norte at Apayao. RNT/MDS