Home NATIONWIDE Isyu sa panukalang P7.2T nat’l budget sa 2027 sa bicam na lamang...

Isyu sa panukalang P7.2T nat’l budget sa 2027 sa bicam na lamang talakayin – Sen. Ejercito

3
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni Sen. JV Ejercito ang mga mambabatas na sa bicameral conference committee (bicam) na lamang talakayin ang mga isyu sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027 upang hindi maantala ang mahigpit na legislative schedule.

“I’m appealing na sa bicam na lang natin ayusin ito,” ani Ejercito.

Nag-aalala ang senador na kapag ipinabalik ang budget bill, posibleng hindi ito maipasa bago matapos ang taon dahil sa siksik na iskedyul ng Kongreso, kabilang ang pagpapatuloy ng impeachment proceedings at mga aktibidad kaugnay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Target ng Kongreso na matapos ang bicam proceedings sa ikalawang linggo ng Disyembre. Ayon kay Ejercito, maaaring malagay sa alanganin ang target na ito kung kailangang simulan muli ang proseso.

Hinimok naman ng Makabayan bloc ang Kamara na bawiin ang House Bill No. 10858, na naglalaman ng panukalang 2027 national budget, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon sa mga nakaraang pambansang budget.

Ayon kina Kabataan Party-list Rep. Renee Co at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, maaaring maulit sa panukalang budget ang mga probisyong labag sa Konstitusyon at mga alokasyong kahawig ng “pork barrel” na tinukoy ng Korte Suprema.

Sinabi ni Ejercito na maaaring talakayin sa bicam ang mga alalahanin sa budget at magiging bukas sa publiko at ipapalabas sa telebisyon ang proseso. Hindi na rin umano gagamitin ang dating paraan ng pagtalakay sa pamamagitan lamang ng maliit na komite.

Gayunman, ipinaubaya niya sa Kamara ang susunod na hakbang, dahil hindi pa nailalabas ang buong desisyon ng Korte Suprema.

Samantala, pinuri ni dating Senate President Franklin Drilon ang pagkilala ng Korte Suprema na maaaring gamitin ang unprogrammed appropriations bilang bahagi ng budget. Hinimok din niya ang Kongreso na humingi ng paglilinaw sa ilang bahagi ng desisyon na maaaring makaapekto sa kapangyarihan nitong magtakda ng mga alokasyon sa pambansang budget.

Batay sa pagbasa ni Drilon sa desisyon, hindi likas na labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations. Isa itong nakahandang awtoridad sa paggastos na magagamit lamang kapag natugunan ang mga kondisyong itinakda ng batas.

Ayon sa dating senador, nararapat humingi ng paglilinaw dahil maaaring lumampas ang desisyon sa pagsusuri ng konstitusyonalidad kung magtatakda ito ng mga kondisyong piskal na dapat nasa pagpapasya ng Kongreso alinsunod sa 1987 Constitution.

Bilang amicus curiae sa mga pagdinig, ipinagtanggol ni Drilon ang konstitusyonalidad ng unprogrammed appropriations, ngunit nagbabala rin na maaaring lumabag sa Konstitusyon ang paraan ng pagpapatupad nito.

Kinikilala niyang maaaring kailanganing itama ang mga pagkukulang o pang-aabuso sa mekanismo. Gayunman, aniya, dapat malinaw na itakda ng Kongreso sa pamamagitan ng batas ang mga pamantayan, at ang Korte Suprema ang magpapasya kung naaayon ang mga ito sa Konstitusyon.

Dagdag ni Drilon, ang pagtukoy sa isang depektong konstitusyonal ay hindi nangangahulugang maaaring magtakda ang Korte ng mga alituntunin sa budget na papalit sa mga kondisyong itinakda ng Kongreso. Maaari umano itong magdulot ng pangamba sa tinatawag na judicial legislation.

“Congress determines appropriations and their lawful conditions. The Executive implements the budget within those conditions. Both functions remain subject to the Constitution,” ani Drilon.

“We look forward to seeing how the reforms will be reflected in the 2027 budget,” dagdag niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here