STA. ANA, Cagayan – Nagsagawa ng pagsusuri at komprehensibong inspeksyon ang mga kawani ng National Irrigation Administration (NIA) Region II, Cagayan–Batanes Irrigation Management Office (CBIMO), at Visitacion Irrigation System (VIS) kabilang ang mga kinatawan ng mga kontratista para sa episyenting serbisyong patubig sa apat (4) na Solar-Powered Irrigation Projects sa bayan ng Santa Ana, Cagayan.
Ayon kay Regional Manager Engr. Raymundo B. Apil ng NIA Region II, layunin ng isinagawang inspeksiyon ay upang masusing suriin ang aktuwal at tiyak na kalagayan, teknikal na kakayahan, at paggana ng mga pasilidad ng patubig na ipinatupad sa ilalim ng Establishment of Groundwater Pump Irrigation Project (EGPIP) sa apat (4) na Solar-Powered Irrigation Projects.
Sa panayam ng EXPOSY ‘Ang Diaryo may Paninindigan’ kay Acting Division Manager Engr. Jason Brayn Teaño ng NIA Cagayan Batanes Irrigation Management Office (CBIMO) ang bawat proyektong pang-irigasyon ay hindi lamang naitatayo, kundi ganap ding mapakinabangan alinsunod sa layunin at mandato ng ahensya.
Sa isinagawang pagsusuri ay hindi umano gumagana ang 15-horsepower (hp) submersible solar pump system sa Barangay Visitacion ngunit agad na inayos ang depektong elektrikal na dulot ng pagkasira ng mga kable dahil sa mga panirang daga.
Nakatakdang magsasagawa ng panibagong pump testing matapos makumpleto ang paglalagay ng graba sa paligid ng well casing ng pinagkukunan ng tubig para sa agarang hakbang upang maibalik sa maayos na kondisyon at operasyon ang sistema ng patubig.
Sa Sitio Ugadan, Barangay Marede ay napatunayang ganap na gumagana, matibay ang estruktura, at mahusay ang operasyon ng 15-hp open-source EGPIP solar irrigation system, alinsunod sa itinakdang disenyo.
Kasabay ang pangako ng kontratista na ihahatid bago matapos ang buwang ito ang mga karagdagang pangangailangan kabilang ang mga tubo para sa distribusyon ng tubig, logo ng NIA, solar lights, at karagdagang graba.
Kasunod nito, nakatakdang pasinayaan ng mga opisyal at ipasakamay ang proyekto sa Ugudan Communal Irrigation System (CIS) Irrigators’ Association sa darating na buwan.
Operasyunal o ganap na gumagana ang 10-hp submersible EGPIP solar pump sa Barangay Casagan kung saan ay may sapat daloy ng tubig upang matugunan ang itinakdang kapasidad ng sistema at ang pangangailangan sa patubig ng mga sakahan.
Bagama’t naipasakamay na ang pasilidad sa Casagan CIS Irrigators’ Association para sa episyenteng serbisyo ay kinakailangan pang isagawa ang mga kaukulang pagkukumpuni at iba pang hakbang upang matiyak na gagana ang sistema alinsunod sa disenyo nito at maibibigay ang nararapat na serbisyo sa mga benepisyaryong magsasaka.
Napatunayang ng inspection team na ganap na gumagana ang 10-hp submersible solar pump na nakapagbibigay ng sapat at maayos na suplay ng tubig sa mga sakahan.
Kasalukuyan nang ginagamit ng Dagupan Irrigators’ Association ang pasilidad matapos ipasakamay sa kanila ang nasabing proyekto.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na inspeksiyon at beripikasyon, isinusulong ng NIA ang maayos, episyente, at maaasahang mga pasilidad ng patubig upang matiyak ang mga proyekto na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga magsasaka at nakatutulong sa pagpapalakas ng produksyon sa agrikultura para mapangalagaan ang seguridad sa pagkain sa bansa.
Samantala, nilinaw ng NIA ang mga programa at naitatayong Solar Pump Irrigation Project sa bawat bayan ay may isinasagawang koordinasyon ng nasabing ahensya sa mga Local Government Unit o LGU’s bago isakatuparan hanggang sa maipasakamay sa mga grupo ng mga tinaguriang Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) o Irrigators Association (IA). (REY VELASCO)
