Home NATIONWIDE Kakulangan sa P17.27B proyekto ng DOH, nakita ng COA

Kakulangan sa P17.27B proyekto ng DOH, nakita ng COA

1
0

MANILA, Philippines – Nakakita ang Commission on Audit (COA) ng iba’t ibang kakulangan sa pagpapatupad ng mahigit ₱17.27 bilyong halaga ng mga proyektong imprastraktura ng Department of Health (DOH) para sa pagtatayo at pagsasaayos ng mga pasilidad pangkalusugan sa buong bansa.

Batay sa 2025 annual audit report ng COA sa DOH, may mga proyektong naantala, hindi pa nasisimulan, hindi nagagamit o kulang sa paggamit, hindi ginagamit sa orihinal na layunin, at may mahinang pangangalaga sa estruktura.

Saklaw ng pagsusuri ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP), isang pangunahing programa ng DOH na naglalaan ng pondo para sa pagtatayo ng mga pasilidad pangkalusugan at pagbili ng kagamitang medikal.

Sa mahigit ₱17.27 bilyong halaga ng mga proyekto, mahigit ₱11.71 bilyon ang naantala. Pinakamalaki ang bahagi ng National Capital Region (NCR), na may 14 na proyektong nagkakahalaga ng ₱8.44 bilyon. Ang pagkaantala ay mula 203 araw hanggang mahigit siyam na taon.

Kabilang sa mga dahilan ang paggamit ng mga tauhan ng DOH sa mga lugar na dapat pagtayuan, pagkaantala sa pagkuha ng permit, pagbabago sa disenyo, nakabinbing kaso at kakulangan sa koordinasyon ng mga kinauukulan.

Nakita rin ng COA ang ₱3.13 bilyong halaga ng mga proyektong hindi pa nasisimulan. Kabilang dito ang 187 proyekto sa Western Visayas na nagkakahalaga ng ₱3.01 bilyon. Ilan sa mga dahilan ang paghahanda o pagbabago sa disenyo, muling pagsasagawa ng bidding, huling paglalabas ng mga alituntunin ng HFEP, pagbabago ng lokasyon at pagkaantala sa pagsusumite ng mga dokumento ng pagmamay-ari ng lupa.

Mahigit ₱1.17 bilyon naman ang halaga ng mga proyektong hindi pa nagagamit o hindi pa umaandar. Pinakamalaki ang bahagi ng Bicol Region na nagkakahalaga ng ₱310.81 milyon, dahil sa kakulangan ng mahahalagang kagamitan at tauhan.

Mayroon ding ₱1.11 bilyong halaga ng mga proyektong kulang sa paggamit. Kabilang dito ang ₱600.42 milyon na limang-palapag na gusali ng Zamboanga City Medical Center na hindi lubusang nagagamit dahil sa kakulangan ng tauhan at kagamitan.

Nakita rin ang ₱113.88 milyong halaga ng mga proyektong may mahinang pangangalaga sa estruktura. Kabilang dito ang 14 na natapos na proyekto sa Zamboanga na nagkakahalaga ng ₱98.39 milyon at nangangailangan ng pagkukumpuni. Ayon sa ulat, nasira ang mga estruktura dahil sa hindi paggamit, kakulangan sa maintenance at mahinang pagkakagawa. Kailangan ding kumpunihin o palitan ang mga kable ng kuryente dahil sa pagnanakaw.

Bukod dito, may ₱39.67 milyong halaga ng mga proyektong hindi ginagamit sa nilalayong layunin. Kabilang dito ang mga birthing home sa Soccsksargen na ginawang barangay health station at ang ambulance bay ng Western Visayas Medical Center na ginagamit na paradahan ng mga empleyado.

Inirekomenda ng COA na magsumite ang DOH ng buwanang ulat sa pinansiyal at aktuwal na progreso ng mga proyekto, at magtalaga ng mga technical team upang tumulong sa mga lokal na pamahalaang may kinalaman sa mga ito.

Sa ulat ng COA, sinabi naman ng DOH na maglalabas ito ng mga administrative order upang higpitan at palawakin ang mga patakaran sa pagpapatupad at pagsubaybay sa mga proyektong pinopondohan ng HFEP. Wala pa itong hiwalay na pahayag tungkol sa mga natuklasan ng COA. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here