MANILA, Philippines – Naabutan ng mga awtoridad ang nasa 200 Vietnamese nationals na sangkot sa online financial scams at iba pang cyber-enabled fraudulent activities, sa isang raid sa hinihinalang online scam hub sa Subic.
Isinagawa ng National Bureau of Investigation Pampanga District Office ang operasyon sa UPower Building 2 sa Subic Gateway Park noong Huwebes.
Sinuportahan ng NBI Olongapo District Office, Philippine Air Force, Subic Bay Metropolitan Authority, Philippine National Police at iba pang ahensya ng pamahalaan ang operasyon.
Ayon sa NBI, ang raid ay kasunod ng isang buwang surveillance at intelligence gathering sa pasilidad.
Ipinatupad ng mga awtoridad ang warrant to search, seize and examine computer data na inisyu naman noon Miyerkules ni Judge Edwin Torres ng Regional Trial Court Branch 73 in Olongapo City.
Sakop ng warrant ang mga umano’y paglabag ng Sections 4(b), 4(c) at 5(a) ng Republic Act No. 12010, o Anti-Financial Account Scamming Act, in relation to Republic Act No. 10175, o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Target ng operasyon ng grupo ang mga biktima sa Pilipinas, Estados Unidos, Vietnam, United Arab Emirates (UAE), at iba pang bansa.
Sinabi naman ni NBI Director Melvin Matibag na isasailalim sa tracing ang mga pera na hawak sa operasyon kabilang ang mga transaksyon gamit ang bank account at electronic wallet.
“We are working overtime in our fight against scam hubs and transnational online fraud. We will not stop at seizing computers and scripts. We will look into bank accounts, e-wallets, and the people who rent them out,” saad sa pahayag ni Matibag.
“We are following the money from this facility to every account that held it. Anyone who lends an account to these operations will be held accountable under the law.”
Aalamin din ng NBI kung may mga Vietnamese ang narecruit sa pamamagitan ng panloloko o mayroong mga ikinulong.
Nakikipag-ugnayan ang ahensya sa Bureau of Immigration, Inter-Agency Council Against Trafficking at Vietnamese Embassy sa kapakanan, dokumentasyon at posibleng repatriation ng mga biktima.
Inihahanda na rin ang reklamo laban sa mga indibidwal na sangkot sa pag-organisa, pangangasiwa at pagpondo sa ilegal na operasyon sa paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, Cybercrime Prevention Act of 2012, Anti-Money Laundering Act of 2001, as amended, at Anti-Trafficking in Persons Act, as amended.
Makikipagtulungan ang NBI sa Anti-Money Laundering Council at financial institutions sa pagtukoy at pag-freeze sa mga bank account at electronic wallet na ginamit sa operasyon. RNT/JGC