MANILA, Philippines – Arestado ang isang babae matapos umanong mahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon sa isang buy-bust operation sa Dasmariñas City, Cavite.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A nitong Biyernes, Oktubre 23, dakong 7:40 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ang operasyon sa Barangay Salitran 2.
Naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng P1,000 halaga ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nasamsam mula sa babae ang isang nakabuhol na plastic bag na naglalaman ng tinatayang 150 gramo ng hinihinalang shabu. Batay sa standard valuation ng Dangerous Drugs Board na P6,800 kada gramo, tinatayang nagkakahalaga ng P1,020,000 ang nakumpiskang droga.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang cellphone ng suspek na susuriin para sa posibleng ebidensiya ng mga transaksiyon sa ilegal na droga.
Kinilala ang babae bilang isang high-value individual (HVI) sa drug watch list ng pulisya. Karaniwang tumutukoy ang klasipikasyong ito sa mga pinaghihinalaang pangunahing sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga, kabilang ang mga financier, trafficker, manufacturer, importer, at miyembro ng mga sindikato.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Cavite police ang pinagmulan ng hinihinalang shabu na umano’y ibinenta ng suspek.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang babae at nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC