MANILA, Philippines – Nagsumite na ang prosekusyon ng formal offer of evidence sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago ang itinakdang deadline.
Dahil dito, may panahon pa ang kampo ng depensa ni Duterte na tumugon sa mga ebidensiya bago magpatuloy ang mga pagdinig sa Nobyembre 9.
Ayon kay Ace Barbers, impeachment adviser ng Kamara at tagapagsalita ng paglilitis, inihain ng prosekusyon ang mga dokumento noong Miyerkules, Oktubre 21, dalawang araw bago ang deadline na itinakda ng Senate impeachment court.
“We already filed yung ating formal offer of evidence nung, kung hindi ako nagkakamali, ito ay nung Wednesday. And this is days before the deadline,” pahayag ni Barbers nitong Sabado, Oktubre 24.
Binigyan naman ng 10 araw ang pangkat ng depensa ni Duterte upang isumite ang kanilang komento sa mga ebidensiyang inihain ng prosekusyon.
Umaasa si Barbers na maihahain ng depensa ang kanilang tugon bago muling magtipon ang impeachment court.
Kasunod ito ng desisyon ng prosekusyon na tapusin ang paglalahad ng kanilang kaso kaugnay ng Article II ng impeachment complaint, na naglalaman ng mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga paglabag na may kaugnayan sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Nauna nang binawi ng prosekusyon ang tatlong iba pang artikulo ng impeachment upang ituon ang kaso sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
Ang Senate impeachment court ang magpapasya kung alin sa mga pormal na inihain na ebidensiya ang tatanggapin bago ilahad ng kampo ng depensa ang kanilang panig. RNT/JGC