MANILA, Philippines – Kasabay ng paggunita ng Prison Awareness Sunday ngayong Oktubre 25, isinusulong ni Senate President Pro Tempore Vicente C. Sotto III ang mas komprehensibo at koordinadong programa ng gobyerno para tulungan ang mga dating bilanggo na muling makabangon.
Inihain ni Sotto ang Senate Bill No. 2281 o ang panukalang *”National Reintegration Act,” na layong magtatag ng pambansang balangkas para sa muling pagbabalik ng mga Persons Restored of Liberty (PRLs) sa lipunan sa pamamagitan ng trabaho, pabahay, edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at psychosocial support.
Giit ni Sotto, bagama’t bahagi ng mandato ng mga correctional institution ang rehabilitasyon, kadalasan ay kulang sa institusyonalisadong suporta ng gobyerno ang mga dating bilanggo pagkalaya nila.
“A particularly difficult ang panahon ng transisyon mula sa kulungan patungo sa komunidad,” aniya, dahil sa hirap sa paghahanap ng trabaho at matitirhan, pag-aayos ng relasyon sa pamilya, at pagharap sa diskriminasyon at stigma ng lipunan.
PANGALAWANG PAGKAKATAON SA TULONG NG KONKRETONG SUPORTA
Sa ilalim ng panukala, magtatayo ng mga halfway house na magbibigay ng pansamantalang tirahan, pagkain, at pangunahing pangangailangan sa mga dating bilanggo habang naghahanap sila ng matatag na trabaho.
Nakasaad din sa panukala ang family counseling at psychosocial services sa loob ng unang anim na buwan matapos makalaya, tulong pang-edukasyon sa pamamagitan ng DepEd at CHED, at employment at skills training sa tulong ng DOLE at TESDA.
Ipinapanukala rin nito ang libreng PhilHealth coverage para sa mga kwalipikadong dating bilanggo na hindi kayang magbayad ng kontribusyon, pagbabawal sa diskriminasyon sa trabaho dahil sa kanilang status, at pagbibigay ng tax incentive sa mga pribadong kumpanya na tatanggap sa kanila.
Magsisilbing lead agency ang DSWD na makikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak na sistematiko at tuloy-tuloy ang tulong sa reintegrasyon.
Binigyang-diin ni Sotto na nakasandig ang panukala sa prinsipyo ng restorative justice — na ang mga taong nagsilbi na ng kanilang sentensya ay dapat magkaroon ng makabuluhang pagkakataon na magbago at maging produktibong miyembro ng lipunan.
Kasabay ng paggunita ng Prison Awareness Week mula Oktubre 19-25, iginiit ni Sotto na kailangang tumingin lagpas sa pagkakulong at paghandaan ang buhay pagkatapos ng kulungan, dahil ang maayos na sistema ng reintegrasyon ay makatutulong na maiwasan ang pag-ulit ng krimen habang pinangangalagaan ang karapatang pantao at dignidad ng mga persons restored of liberty. Ernie Reyes