MANILA, Philippines – Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng 36 criminal charges laban sa anim na tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at pitong pribadong indibidwal sa umano’y panloloko sangkot ang P491.9 milyong bayad sa road right-of-way sa General Santos City.
Sa pahayag, sinabi ng Ombudsman na kabilang sa mga reklamo ang 18 counts ng malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents sa ilalim ng Articles 217 at 171 ng Revised Penal Code, at 18 counts ng paglabag sa Republic Act No. 3019, o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang mga respondents ng DPWH ay sina dating Region 12 (Soccsksargen) regional director Subair Saro Diron, dating assistant regional director Laureano Suan Jr., Tomas Marquez Rodriguez, David Lucena Padlan, Paisal Amerol Padate at Ansare Mariga Busran.
Ang pitong private respondents naman ay sina Wilma Olarte Mamburam, Nelson Ti, Evelyn Parilla Paloso, Rudy Hadji Ong, Marisa Tiongson Seguirre, William Perla Uy at Paul Michael Pabas Bagio.
Nag-ugat ang mga kaso sa pagbabayad para sa 18 parcel ng lupa na apektado umano ng konstruksyon ng Digos-Makar National Road sa Barangay Lagao, General Santos City.
Ipinasa ng National Bureau of Investigation ang tatlong report kaugnay sa umano’y iregularidad noong 2018 at 2019 dahilan para imbestigahan ito ng Ombudsman.
Sa affidavit noong 2017, inamin ng witness na si Roberto Catapang Jr. ang pagkakaugnay sa grupo na umano’y nakikipagsabwatan sa mga opisyal ng pamahalaan para makakuha ng pondo ng bayan sa pamemeke ng mga dokumento para sa mga land acquisitions.
Inaprubahan ng DPWH Region 12 technical working group ang paglalabas ng P491,931,120.20 para sa mga claimant kung saan ang mga supporting document ay napag-alaman na peke pala.
Pinuna rin ng mga imbestigador ang paggamit ng 2009 property appraisal rate na P3,500 per square meter para matukoy ang bayad sa lupa na bibilhin ng pamahalaan noong early 1990s.
Dahil dito ay nagresulta ito sa inflated right-of-way claims.
Sa hiwalay na administrative ruling, ipinag-utos din ng Ombudsman ang dismissal ng dating DPWH Region 12 legal officer Busran mula sa serbisyo sa pamahalaan. RNT/JGC