Home NATIONWIDE Cayetano nanawagan ng political neutrality sa impeachment trial

Cayetano nanawagan ng political neutrality sa impeachment trial

3
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes, Oktubre 26, sa mga senator-judge na malinaw na ipahayag ang kanilang “political neutrality”, sabay diin na tanging matibay na ebidensya lamang dapat at hindi pansariling interes ang magtutulak sa kanila na hatulan ang sinumang impeachable official.

Sa kaniyang Facebook post nitong October 26, binigyang diin ni Cayetano na dapat manaig ang pagiging patas sa anumang impeachment proceedings, lalo na sa mga kasong kinasasangkutan ng pinakamamataas na opisyal ng bansa.

“It’s essential that in all impeachment proceedings (especially of Presidents and Vice Presidents), Senator-Judges are politically neutral and will have no incentive to convict except for evidence that proves the article/s of impeachment,” pahayag niya.

Sinabi ito ni Cayetano kasunod ng pahayag ni Senator-Judge Francis Escudero na tatanggihan niya ang posisyon ng bise presidente kung mahatulan si Vice President Sara Duterte, dahil magiging conflict of interest aniya ang pagtanggap sa puwestong nabakante dahil sa desisyong nilahukan niya.

Sinuportahan ni Cayetano ang deklarasyon ng kapwa senador at hinimok ang bawat senator-judge, kabilang ang kaniyang sarili, na gawin ang parehong pangako.

“Tama po ito! All of us Senator-Judges should make this declaration,” aniya.

Iginiit niyang hindi dapat magkaroon ng personal na pakinabang sa pulitika ang mga senator-judge bilang dahilan para humatol ng pagkakasala, at dapat nakabatay ang kanilang pasya sa mga ebidensiyang nagpapatunay sa mga paratang.

Ipinagdasal din ni Cayetano na magkaroon ng karunungan at wastong paghatol ang Senado sa kabila ng pagkakaiba sa opinyon ng mga miyembro nito.

“May God always give the Senate wisdom and good discernment despite differences of opinion among its members, so that we may serve You, Lord God, and Your people – the Filipino people – well,” aniya.

Sa ilalim ng mga tuntunin ng Senado sa impeachment trial, kailangang gampanan ng mga senator-judge ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan o pagtatangi, anuman ang kanilang kinabibilangang partido o panig sa pulitika.

Binigyang diin din ng Korte Suprema ang kahalagahan ng pagsunod ng Impeachment Court sa mga itinatakda ng Konstitusyon, ang due process, at ang mga tuntunin hinggil sa paghawak ng ebidensya.

Matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlong artikulo sa unang bahagi ng buwang ito, nakatuon na lamang ngayon ang paglilitis sa Article II ng impeachment complaint, kung saan kabilang ang mga alegasyon ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman umano ni Duterte, hindi buong pagdedeklara ng mga ari-arian, at hindi pagbitaw sa mga interes sa negosyo. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here