Home NATIONWIDE Senate Budget Transparency Portal, binuksan vs korapsyon

Senate Budget Transparency Portal, binuksan vs korapsyon

2
0

MANILA, Philippines – Binuksan ng Senado sa publiko ang mas malawak na access sa independent analysis ng panukalang 2027 national budget sa pamamagitan ng paglalagay ng link sa pag-aaral ng civil society organization sa Senate Budget Transparency Portal.

Sa pagdinig ng Committee on Finance nitong Lunes, Oktubre 26, 2026, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na isinama sa portal ang analysis na inihanda ng BetterGov.ph na inilarawan niyang detalyado, granular at madaling suriin.

Aniya, inilagay ang pag-aaral para matulungan ang publiko na mas ma-examine ang nilalaman ng panukalang budget lampas sa opisyal na dokumentong in-upload ng Senado.

Sinabi ni Gatchalian na bahagi ito ng reporma ng Senado para isulong ang mas malaking transparency at accountability sa proseso ng budget.

Pinuri rin niya ang mga civil society group sa paggamit ng teknolohiya, artificial intelligence at coding para mapabilis ang pagsusuri sa panukalang budget.

Aniya, nailabas ng BetterGov.ph ang analysis nito isang araw lamang matapos aprubahan sa second reading ang General Appropriations Bill kaya mas maaga ring nakapagsimulang magbusisi ang mga senador.

Hinikayat ni Gatchalian ang iba pang CSO na ibahagi ang kanilang specialized budget analyses at tiniyak na patuloy na makikipagtulungan ang Senado sa mga civil society group para palakasin ang transparency at pangalagaan ang integridad ng proseso ng budget upang matiyak na tumutugon ang 2027 national budget sa pangangailangan ng mamamayan.

Kasabay nito, kinilala ni Sen. Joseph Victor JV Ejercito, chairperson ng Committee on Finance, ang mahalagang papel ng mga civil society organization sa paghubog ng people-centered budget priorities at binigyang-diin na ang partisipasyon ng mamamayan ang tumitiyak na ang alokasyon ay tumutugon sa pangangailangan ng komunidad.

Ani Ejercito sa public consultation kasama ang mga CSO sa panukalang 2027 General Appropriations Act nitong Oktubre 26, bawat pisong inilalaan ay kumakatawan sa desisyon kung anong klaseng kinabukasan ang nais para sa mamamayan at ang kanilang partisipasyon ay nakakatulong sa layunin ng Senado na bumalik sa basic at suriin kung ang mga panukalang alokasyon ay tumutugon sa pangangailangan ng tao.

Binigyang-diin din ni Ejercito ang commitment ng Senado na palakasin ang budget transparency sa pamamagitan ng pagsasama sa Senate Budget Transparency Portal ng ilang platforms at tools para makapag-monitor at makapag-examine ang publiko sa budget at mapanagot ang mga ahensya ng gobyerno sa kanilang paggastos.

Para matiyak ang pangmatagalang public participation lampas sa termino ng indibidwal na liderato, binanggit ni Ejercito ang mga panukalang batas na Bantay Budget Act o Senate Bill No. 2576 at Grassroots Participatory Budgeting Act o Senate Bill No. 2577 na layong gawing institutional ang pakikilahok ng mamamayan sa budget preparation, hearing deliberations at bicameral conference proceedings. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here