Home NATIONWIDE Hakbang vs banta ng El Nino sa kuryente, tubig sa irigasyon isinusulong...

Hakbang vs banta ng El Nino sa kuryente, tubig sa irigasyon isinusulong ng pamahalaan

2
0

MANILA, Philippines – SA BANTA ng epekto ng El Niño sa suplay ng kuryente at tubig para sa irigasyon, isinusulong ng gobyerno ang mga hakbang upang matiyak ang mas maaasahan at malinis na pinagkukunan ng enerhiya habang napangangalagaan ang suplay ng tubig para sa agrikultura.

Sa katunayan, sa naging pagbisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Integrated Remote Operations Center (iROC) ng SN Aboitiz Power-Magat, Inc. sa Ramon, Isabela, layon nito na alamin kung paano napapahusay ng sistema ang monitoring at pamamahala sa mga hydroelectric power plant at battery energy storage system.

Sinundan ito ng briefing sa panukalang 67-megawatt-peak Magat Floating Solar Power Project bilang bahagi ng mga hakbang upang palawakin ang malinis na pinagkukunan ng enerhiya.

Bilang tugon sa epekto ng El Niño, inatasan ng Pangulo ang Department of Energy (DOE) na pabilisin ang pagkumpleto ng mga power project na magdaragdag ng 1,500 megawatts sa suplay pagsapit ng unang bahagi ng 2027, kasabay ng paghahanda sa pag-deploy ng 253 megawatts mula sa battery energy storage systems at 218 megawatts mula sa mga power barge bilang reserbang suplay.

Samantala, inaasahang makapagbibigay ang Magat Floating Solar Power Project ng malinis na enerhiya sa humigit-kumulang 42,000 kabahayan, makatutulong na mabawasan ang pagsingaw ng tubig sa reservoir, at makapaglalaan ng ₱522 milyon na kita para sa National Irrigation Administration (NIA) sa loob ng 25-taong lease.

Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, inaasahang makikinabang ang mga kabahayan sa mas malinis na pinagkukunan ng kuryente at ang mga magsasaka sa mas napangangalagaang suplay ng tubig para sa irigasyon, lalo na sa panahon ng tagtuyot at El Niño. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here