MANILA, Philippines – Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang publiko laban sa kumakalat na social media post na nagsasabing matutuloy ngayong Disyembre 2026 ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa Comelec, fake news ang post na nagsasabing magsisimula rin umano ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ngayong Oktubre 26.
Nilinaw ng poll body na walang BSKE na gaganapin ngayong taon sa ilalim ng umiiral na batas at wala ring filing ng COCs para rito ngayong Oktubre.
Itinigil na rin ng Comelec ang mga paghahanda para sa BSKE matapos lagdaan ang Republic Act No. 12326, na nagtakda sa susunod na barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
Binigyang-diin ng Comelec na nananatiling epektibo ang naturang batas dahil wala pang inilalabas na Temporary Restraining Order ang Korte Suprema laban dito.
Pinaalalahanan din ng poll body ang publiko na beripikahin muna ang mga impormasyong nakikita online at umasa lamang sa mga opisyal na resolusyon at anunsyo ng Comelec para sa election-related schedules.