MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang hiling ng prosecution na mag-inhibit si Associate Justice Ronald Moreno sa malversation case ni dating Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa korte, walang sapat na merito ang motion para sa voluntary inhibition ni Moreno.
Nauna nang iginiit ng prosecution na maaaring magkaroon ng “perception of partiality” dahil umano sa naging asal at mga pahayag ni Moreno sa ilang prosecution witnesses habang dinidinig ang kaso.
Ayon sa mga prosecutor, may mga pagkakataong naging umano’y “unfair, unreasonable, disrespectful, and lacking in judicial restraint” ang associate justice sa pagtatanong sa kanilang mga testigo.
Kabilang sa kanilang binanggit ang naging pagtatanong ni Moreno kina dating engineer Henry Alcantara, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, engineer John Carlo Rivera, contractor Sally Santos at DPWH Finance Director Genivieve Cuaresma.
Giit ng prosecution, may ilang pahayag umano si Moreno na maaaring magpahiwatig na nakabuo na ito ng pananaw sa kredibilidad ng mga testigo at sa umano’y papel ni Revilla sa proyekto.
Gayunman, hindi ito kinatigan ng Sandiganbayan Third Division at pinanatili si Moreno sa pagdinig ng kaso.
Si Moreno ay kabilang din sa mga mahistradong bumoto pabor sa pagbibigay ng piyansa kay Revilla noong Hulyo.
Patuloy ang paglilitis sa malversation case at wala pang pinal na desisyon hinggil sa pananagutan ng mga akusado. Santi Celario