Home NATIONWIDE NAIA, naghahanda sa 1.25M pasahero sa Undas; Okt. 30 pinakamatao

NAIA, naghahanda sa 1.25M pasahero sa Undas; Okt. 30 pinakamatao

1
0

MANILA, Philippines – Naghahanda ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa tinatayang 1.25 milyong pasahero na daraan sa paliparan mula Oktubre 27 hanggang Nobyembre 4 para sa Undas travel period.

Ayon sa New NAIA Infra Corp. (NNIC), inaasahang Oktubre 30 ang magiging pinakamataong araw sa paliparan, kung kailan posibleng umabot sa 149,000 pasahero ang bumiyahe.

Mas mataas ito nang isang porsiyento kumpara sa 1.24 milyong pasaherong naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Magdadagdag ang NNIC ng personnel at paiigtingin ang seguridad, passenger assistance at 24-hour monitoring ng airport operations.

Magkakaroon din ng 24-hour command center sa Terminal 2 na tututok sa mga posibleng aberya at koordinasyon sa airlines, ground handlers, transport providers at mga ahensya ng gobyerno.

Paiigtingin din ang police patrols sa terminal entrances, curbside areas at parking facilities, habang magdadagdag ng K-9 units, screening personnel at checkpoints sa peak hours.

Aayusin din ang bilang ng immigration, customs at quarantine counters depende sa dami ng pasahero upang mabawasan ang pila.

Magiging bukas naman nang 24 oras ang Public Assistance Desks sa arrival at departure areas ng Terminals 1, 2 at 3.

Pinayuhan ang mga international passenger na dumating sa airport nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang flight, habang dalawang oras naman para sa domestic passengers.

Dapat ding tiyakin ng mga pasahero ang kanilang flight status at tamang terminal bago bumiyahe at maglaan ng dagdag na oras dahil sa posibleng mabigat na trapiko at security screening.

Pinaalalahanan din ang mga international traveler na kailangang magparehistro sa eTravel na gawin ito sa loob ng 72 oras bago ang nakatakdang arrival o departure. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here