“ANG biyayang natatanggap ng isang OFW ay hindi dapat maging dahilan ng inggitan, kundi paalala na bawat Pilipinong nangangailangan ay karapat-dapat sa malasakit at makatarungang pagkakataon.”
Naranasan ng overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso ang makulong at halos nawalan ng buhay subalit nagkaroon ng pagkakataong muling nakapiling ang kanyang pamilya dahil sa aksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Subalit ang kalayaan ay simula pa lamang ng panibagong yugto ng kanyang buhay. Ang susunod na hamon ay kung paano siya makapagsimulang muli nang may dignidad, seguridad at pag-asang hindi na muling mabibiktima ng pagsasamantala.
Dito mahalaga ang papel ng Department of Migrant Workers sa pamumuno ni Secretary Hans Leo Cacdac Jr. katuwang ang Overseas Workers Welfare Administration at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Ayon Kay Cacdac, Ang tulong sa kabuhayan, edukasyon, psychosocial support at muling pag-angkop sa komunidad ay dapat nakabatay sa tunay na pangangailangan ni Veloso. Hindi ito dapat matapos sa isang anunsyo o seremonya. Mas mahalagang makita kung nakatutulong ang mga programa upang makabangon siya kasama ang kanyang pamilya.
May dapat bang kainggitan sa biyayang kanyang nakamit?
Hindi dapat maging dahilan ng pagtatalo ang anomang biyayang ipinagkaloob sa isang OFW na dumaan sa matinding pagsubok. Matagal nang iginiit ni Mary Jane na nalinlang siya at hindi niya alam na may iligal na droga sa maletang kanyang dala nang siya ay arestuhin sa Indonesia noong 2010.
Kaya ipinamahala na ni secretary Cacdac sa karapat-dapat na ahensya ang pag usig para matigil ang pananamantala sa OFWs.
Sa kaso ni Veloso, paano nga ba nasusukat ang tunay na malasakit?
Nararapat kilalanin ang pagkakataong muling makapiling ni Veloso ang kanyang pamilya. Ngunit ang tunay na hamon ay nasa mga susunod na buwan at taon: kung makapagtatayo siya ng maayos na kabuhayan, maipagpapatuloy ang kanyang mga pangarap at mamumuhay nang ligtas at may dignidad.
Kasabay nito, hindi dapat kalimutan ang ibang OFW na nangangailangan din ng tulong. Ang bawat isa ay may sariling kwento, sugat at pangarap na muling makabangon.






