IAAPELA sa bisa ng Motion for Reconsideration ng gobyernong Marcos ang desisyon ng Supreme Court na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang mga batas sa pambansang badyet o General Appropriations Act sa mga taong 2024, 2025 at bahagi ng 2026.
Ang Office of the Solicitor General ang inatasan ni Pangulong Bongbong na maghain ng MR at dala nito ang paninindigang walang nilabag ang gobyernong Marcos para maging unconstitutional o labag sa Konstitusyon ang mga nasabing batas.
Tanong: Magtatagumpay kaya ang apela para mabaligtad ang desisyon?
Sa pangkalahatan, lahat ng 13 na Mahistrado ay sumang-ayon sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen.
Sa 13 Hukom, may 3 may separate opinion habang may separate at dissenting opinion ang 6.
Ipagpalagay na lang na gagamitin ng SolGen ang 6 separate and dissenting opinion, mahirap na mabaligtad ang desisyon.
Ito’y dahil, bagaman may 6 na dissenting opinion, sumang-ayon ang mga ito sa pangkalahatang desisyon.
Walang kalaban-laban ang SolGen dito at kung may matatamo mang tagumpay, baka maliliit na bagay lamang at hindi mababago ang pangkalahatang desisyon.
Ang mabuti pang gawin ng gobyernong Marcos ay magsagawa ng imbestigasyon at kilalanin ang mga may akda (author), nagpanukala at nagpatupad ng batas na labag sa Konstitusyon.
Ito’y dahil ipinag-uutos ng Hukuman na dapat sampahan ng mga kasong kriminal, sibil at administratibo ang mga ito.
Tutal, ipinagmamalaki naman ng Malakanyang na mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nagsindi ng apoy para lumagablab ang sunog laban sa mga korap at mandarambong.
Sino-sino nga ba silang mga salarin?
O kayong mga taga-Office of the Ombudsman, Department of Justice, National Bureau of Investigation at Philippine National Police, kilos na!
Kung kasimbilis kayo ng kidlat sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso sa mga Duterte at kaalyado nila, dapat gawin ang gawin ninyo sa pagtupad sa iniuutos ng Korte Suprema na hanapin ang mga korap at mandarambong na awtor, nagpanukala at nagpatupad ng nasabing mga batas.






