Home HOME BANNER STORY Amihan season, posibleng ideklara sa mga susunod na araw – PAGASA

Amihan season, posibleng ideklara sa mga susunod na araw – PAGASA

3
0

MANILA, Philippines – Posibleng opisyal nang ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng northeast monsoon o amihan sa mga susunod na araw habang nakararanas na ng malamig na hangin ang ilang bahagi ng Luzon, ayon sa ahensya nitong Martes, Oktubre 27.

Karaniwang tumatagal ang amihan mula Oktubre hanggang Marso at nagdadala ng mas malamig na temperatura, malalakas na hangin at paminsan-minsang pag-ulan.

Ayon kay PAGASA weather specialist Veronica Torres, hindi isinasantabi ng ahensya ang posibilidad na ideklara ang pagsisimula ng amihan sa mga susunod na araw. Aniya, ang northeasterly wind flow na nakaaapekto sa Northern Luzon ay palatandaan ng papalapit na panahon ng amihan.

“Kapag nababanggit natin ang northeasterly wind flow na weather system ay tumataas na yung tsansa na papunta na tayo sa amihan season,” ani Torres.

Batay sa tala ng PAGASA, idineklara ang nakaraang amihan season noong Oktubre 27, 2025, at nagtapos noong Marso 23, 2026.

Sa susunod na 24 oras, inaasahang magdadala ang northeasterly wind flow ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan sa Batanes, Cagayan at Isabela.

Posible rin ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at iba pang bahagi ng Cagayan Valley.

Sa nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may posibilidad ng panaka-nakang pag-ulan o pagkulog at pagkidlat.

Sinabi ni Torres na wala pang low-pressure area o tropical cyclone sa loob o malapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR). RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here