Home NATIONWIDE PH, Singapore lumagda ng kasunduan sa nuclear energy

PH, Singapore lumagda ng kasunduan sa nuclear energy

1
0

SINGAPORE – Lumagda ang Pilipinas at Singapore nitong Martes sa mga liham ng intensiyon para palakasin ang kooperasyon sa nuclear energy at cross-border power connectivity bilang suporta sa seguridad sa enerhiya ng dalawang bansang kasapi ng ASEAN.

Nilagdaan sa Singapore International Energy Week ang kasunduan para sa “Collaboration in Capability Development in Peaceful Uses of Nuclear Energy.”

Sa ilalim nito, palalalimin ng dalawang bansa ang kaalaman at kakayahan sa makabagong nuclear technology, pagsasanay ng mga eksperto, pamamahala sa nuclear waste at mga patakaran sa pananagutan sa posibleng pinsala. Kabilang sa mga paraan ng pagtutulungan ang palitan ng impormasyon at pinakamahuhusay na pamamaraan, pagpapalitan ng mga opisyal at eksperto, at pagsasagawa ng pananaliksik.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., seryoso ang pamahalaan sa pagtatatag ng nuclear energy sa bansa dahil inaasahang tataas pa ang pangangailangan sa kuryente bunsod ng pagdami ng mga data center.

Isa sa mga pinag-aaralan ng pamahalaan ang muling pagpapagana sa Bataan Nuclear Power Plant. Gayunman, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na pinag-aaralan pa kung mas makabubuting rehabilitasyon o bagong planta ang itayo, at kung sa Bataan, Masbate, Palawan o ibang lugar ito itatayo.

Ayon kay Garin, maaaring tumagal nang 60 hanggang 80 taon ang bagong planta, samantalang tinatayang 20 taon lamang ang itatagal ng isang rehabilitadong pasilidad. Patuloy din ang pamahalaan sa paghingi ng mga panukala mula sa iba’t ibang kumpanya.

Kabilang sa mga posibleng katuwang sa proyekto ang Meralco, AboitizPower, Prime Energy at Maharlika Investment Corp. (MIC).

Binigyang-diin ni Garin na dapat magkaroon ng malaking papel ang pamahalaan sa nuclear project, bilang stakeholder, regulator o tagapagpondo. Posible ring mangailangan ng pagbabago sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), depende sa magiging paraan ng pakikilahok ng gobyerno.

Para naman sa Singapore, sinabi ni Energy, Trade and Industry Minister Dr. Tan See Leng na kabilang ang nuclear energy sa mga posibleng paraan upang matugunan ang pangangailangan sa kuryente. Makikipagtulungan ang kanilang pamahalaan sa mga eksperto at susuriin ang kakayahan nito sa nuclear safety at pamamahala ng radioactive waste.

“Should Singapore eventually decide to adopt nuclear power, the government is committed to upholding the highest standards of nuclear security and safeguards in full accordance with our international obligations,” ani Tan.

Samantala, sinabi ni International Energy Agency Executive Director Dr. Fatih Birol na inaasahang muling sisigla ang paggamit ng nuclear energy sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Birol, may 90 gigawatts (GW) ng nuclear power capacity ang kasalukuyang itinatayo sa buong mundo, ang pinakamataas na antas sa nakalipas na apat na dekada. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here