MANILA, Philippines – Tataas ang toll fees sa pitong kilometrong Cavitex R1 Extension mula Zapote, Las Piñas hanggang Kawit, Cavite simula Miyerkules, Oktubre 28.
Inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang ikalawang tranche ng dagdag-singil kasunod ng mga petisyong inihain ng Cavitex Infrastructure Corp. (CIC) at Philippine Reclamation Authority (PRA).
Sa ilalim ng aprubadong bagong singil, magiging ₱103 mula ₱88 ang toll fee para sa Class 1 vehicles, ₱207 mula ₱176 para sa Class 2, at ₱310 mula ₱264 para sa Class 3 vehicles.
Upang maibsan ang epekto ng pagtaas, muling ipatutupad ng CIC ang ABANTE Program, isang toll reprieve initiative para sa mga operator ng public utility vehicles (PUV).
Sa ilalim ng programa, maaaring makatanggap ng toll rebate sa loob ng 60 araw simula Oktubre 28 ang mga tradisyunal at modernong jeepney, UV Express at bus na accredited sa ABANTE at may awtorisadong rutang dumaraan sa CAVITEX R-1 Expressway Extension.
Mananatili rin hanggang Nobyembre 30, 2026, ang toll rebate para sa mga sasakyang nagdadala ng produktong agrikultural upang masuportahan ang transportasyon ng mga produktong ito.
Tiniyak naman ng CIC na patuloy itong namumuhunan sa mga pagpapahusay sa imprastraktura at teknolohiya sa kahabaan ng Cavitex kahit bago pa aprubahan ang mga petisyon nito para sa pagtaas ng toll rates. RNT/MDS