Home METRO 13 bata, naospital matapos kumain ng tuba-tuba sa Koronadal

13 bata, naospital matapos kumain ng tuba-tuba sa Koronadal

1
0

KORONADAL CITY, Philippines – Labintatlong bata ang naospital matapos makaranas ng pagsusuka, pagkahilo at pananakit ng tiyan ilang oras matapos kumain ng bunga ng halamang tuba-tuba (Jatropha curcas) sa Barangay Topland, Koronadal City, noong Lunes ng gabi.

Ang mga bata, na pawang mula sa Sitio Kolondafok, ay dinala sa South Cotabato Provincial Hospital para gamutin.

Ayon kay Barangay Topland Chairperson Terrence Jay Ehimplar, napag-alamang kumain umano ang mga bata ng bunga na lokal na tinatawag na “kasla” matapos manood ng YouTube channel na nagpapakita ng mga taong kumakain nito.

Sinabi naman ni Pamela Aguilar Laseb, kamag-anak ng isa sa mga bata, na ilang oras matapos kainin ang bunga ay nagsimula nang makaranas ng sintomas ang mga ito. Isinailalim sa laboratory tests ang mga bata, ngunit hinihintay pa ang resulta.

Ayon kay Laseb, gumaling na ang ilan sa mga bata, habang patuloy namang inoobserbahan ang mga mas bata.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at pigilan ang mga itong kumain ng hindi kilalang bunga o buto. Binigyang-diin din na hindi nangangahulugang ligtas kainin ang isang halaman o bunga dahil lamang nakita ito sa online video. Pinayuhan ang publiko na huwag gayahin ang mga napapanood sa social media nang hindi nalalaman ang posibleng panganib. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here