MANILA, Philippines – Nakita ni Senador Francis Kiko Pangilinan ang posibleng modus operandi sa paulit-ulit na pagpasok ng imported rice at iba pang agricultural products sa bansa sa panahon mismo ng local harvest season, na lubhang nagbabanta sa kabuhayan ng magsasaka at nagpapahina sa food security ng bansa.
Sinabi ng senador, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, na ang paulit-ulit na timing ng mga importasyon ay nagbubunsod ng tanong kung ang mga patakaran at desisyon ng gobyerno sa importasyon ay ipinatutupad ba upang protektahan ang mga lokal na producer o inilalagay sila sa hindi patas na kompetisyon sa mismong panahon na handa na nilang dalhin sa merkado ang ani.
Maliwanag aniya na hindi dapat pumapasok ang imported na produkto ng harvest season kaya titingnan nila ang mga detalye nito, nang tanungin siya ni veteran broadcaster Ted Failon sa isang radio interview nitong Biyernes, Oktubre 23, kung paano nilalabag ng Department of Agriculture ang sarili nitong mga patakaran sa pagpapahintulot ng imported agricultural products tuwing anihan.
Dahil talagang pati sa onions ay nangyari aniya iyan. Nag-hearing sila noong Marso sa sibuyas kung saan may patakaran na dapat hindi na maglalabas tuwing anihan pero ginawa pa rin at pumasok pa rin ang ilang tonelada ng sibuyas noong Disyembre at Enero, na labag sa patakaran.
Sa ngayon, ayon kay Pangiilina, isa na itong modus operandi.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang 60-day rule ng DA ay nagdidikta na ang agricultural products ay dapat umalis sa port of origin sa loob ng 60 araw at hindi maaaring tumapat ang kanilang release sa local harvest season upang protektahan ang mga magsasaka mula sa pagbagsak ng presyo.
Sinabi pa ng senador na hindi dapat pinapasok ang imported na bigas sa panahon ng anihan dahil tuwing nangyayari ito, bumabagsak ang presyo ng palay.
Binibili at binebenta ng palugi, binibili ng napakamura ng mga trader at sila ang tiba-tiba.
Kuwestiyonable aniya ang dalawang pagpasok na ito dahil third week na ng Setyembre at habang pino-process ito ay lalabas ito ng Oktubre.
Sinabi ng mambabatas na magpapatawag siya ng imbestigasyon sa tinatayang P700 milyong halaga ng smuggled rice shipment na nasabat sa mga puerto ng Davao at Limay, Bataan noong nakaraang buwan.
Gustong malamang ni Pangilinan ang puno’t dulo nito na magsisimula ang imbestigasyon sa unang linggo ng Nobyembre.
Ang MV Tay Son 2, na may kargang 12,500 metric tons ng bigas, nagtangkang umalis sa Port of Davao nang hindi nakukumpleto ang kinakailangang Customs processing kaya hinarang at inaresto ito ng Philippine Navy sa high seas.
Samantala, ang MV Lucky Star na naharang sa Port of Limay dahil ang import permit nito ay hindi tugma sa aktwal na laman ng shipment ay natagpuang may halos 7,500 metric tons ng bigas.
Ang dalawang barko ay pinaniniwalaang may kabuuang 20,000 metric tons ng Vietnamese rice na may tinatayang halaga na P700 milyon batay sa prevailing world market price na $420 kada metric ton.
Sa gitna ng iniulat na P700 milyong halaga ng smuggled rice na nagtangkang pumasok sa bansa sa pamamagitan ng mga puerto ng Davao at Limay, ikinalungkot ni Pangilinan na walang big-time smugglers ang nakukulong sa kabila ng Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na nag-uuri sa agricultural economic sabotage na may kinalaman sa hindi bababa sa P10 milyong halaga ng agricultural products bilang non-bailable offense.
Sinabi ng senador na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Justice, Department of Agriculture, National Bureau of Investigation at Anti-Agricultural Economic Sabotage Council tungkol sa mga shipment sa Davao at Limay.
Sa ilalim ng RA 12022, inaatasan ang gobyerno na palakasin ang mga hakbang laban sa agricultural smuggling, hoarding, profiteering at cartel.
Binibigyan din ng batas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Council ng kapangyarihang makipag-ugnayan sa mga imbestigasyon at mag-utos ng mabilisang imbestigasyon at pag-uusig sa mga responsable sa mga pagkakasalang ito, kabilang ang sinumang government officials na natagpuang kasangkot sa mga ilegal na aktibidad.
Inanunsyo rin niya na inaasahang ilalabas sa katapusan ng susunod na buwan ang committee report sa mga pagdinig na pinangunahan niya ngayong taon tungkol sa talamak na smuggling ng agricultural products na umano’y may kinalaman ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Aniya, lalabas ang report bago matapos ang buwan at pasensyahan na lamang at tatawagin nila ito kung ano ang nakikita nila.
Kaya aniya, kapag sinabing pasintabi na lang sa mga nasa gobyerno, kapag sinabing cartel ay hindi naman pwedeng mag-exist ang cartel nang walang nakasabwat sa gobyerno. Ernie Reyes