Home METRO Lalaking lasing ayaw magpaawat sa pagwawala, pinagsasaksak ng umawat na kapitbahay

Lalaking lasing ayaw magpaawat sa pagwawala, pinagsasaksak ng umawat na kapitbahay

3
0

VALENZUELA CITY, Philippines – Arestado ang 53-anyos na construction worker nang pagsasaksakin ang kanyang lasing kapitbahay na nagwala sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Nakapiit sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela Police at nahaharap sa kasong Frustrated Murder ang suspek na si alyas “George”, 53, habang nakaratay naman sa Valenzuela Medical Center at ginagamot ang mga tinamong tama ng saksak sa kanang tagiliran si alyas “Raffy”, 33.

Sa ipinarating na ulat ni Valenzuela police chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-8:00 ng gabi nang magsimulang manggulo at magwala si alyas Raffy na noon ay nasa impluwensiya ng alak sa harapan ng kanilang bahay sa kanto ng Rita at J. Santiago Streets, Brgy. Malanday.

Nang awatin siya ni alyas George, nagalit ang biktima na humantong sa kanilang pagsusuntukan hanggang awatin sila ng kanilang mga kapitbahay at dinala sa barangay hall upang doon mag-usap.

Matapos magkausap sa barangay, sumakay na sa kanyang bisikleta para umuwi ang biktima nang undayan siya ng suspek ng sunod-sunod na saksak sa tagiliran bago mabilis na tumakas.

Matapos ang insidente, isinugod ang biktima ng ambulansiya ng barangay sa nasabing pagamutan habang naaresto naman sa follow-up operation nina P/SSg Rommel De Robles at P/Cpl. Roniel Acas ng Valenzuela Police Sub-Station-6 ang suspek at nabawi sa kanya ang ginamit na patalim. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here