MANILA, Philippines – Inaasahang mas mahina at mabilis lamang ang frost o andap na makakaapekto sa mga sakahan sa Cordillera Region dahil sa epekto ng El Niño phenomenon.
Ayon kay PAGASA administrator Nathaniel Servando, ang frost ay posible pa rin kahit may El Nino dahil sa dalang malamig na hangin ng Amihan.
“Possible, but mga panandalian lang siguro and reduced compared sa normal condition na walang El Nino o walang lamig,” sinabi ni Servando sa panayam ng GMA News.
“[Reduced] in terms of number of days and hindi ganoon ka severe ang projection namin,” dagdag pa niya.
Ang frost ay nabubuo sa pagbaba ng temperatura dahilan para maging ice crystals ang tubig sa lupa.
Karaniwan itong nangyayari sa Cordillera region tuwing Enero at nakakasira ng mga pananim.
Nitong Martes, Oktubre 27 ay idineklara na ng PAGASA ang pagsisimula ng Amihan. RNT/JGC