Home NATIONWIDE Luistro: P1.31B infra budget sa Batangas district, kahalintulad ng panukala ng DPWH

Luistro: P1.31B infra budget sa Batangas district, kahalintulad ng panukala ng DPWH

6
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Batangas 2nd District Rep. at House justice committee chair Gerville Luistro nitong Miyerkules na halos kapareho ng panukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang P1.31 bilyong pondong inilaan para sa mga proyektong imprastraktura sa kanyang distrito sa 2027 national budget na inaprubahan ng Kamara.

Ito ang sagot ni Luistro sa puna ng budget watchdog na People’s Budget Coalition (PBC), na tumukoy sa mga pagbabagong ginawa ng Kamara sa panukalang badyet bilang “insertions.” Kabilang si Luistro sa mga mambabatas na may malaking alokasyon ng DPWH para sa kanilang distrito.

Ayon kay Luistro, nagsisimula ang proseso sa pagsusumite ng mga kahilingan para sa mga proyektong imprastraktura ng mga DPWH district engineering office, na ipinapasa sa regional office at kalaunan sa central office.

Ang panukala ng DPWH Central Office ay isinusumite naman sa Department of Budget and Management (DBM), na naghahanda ng National Expenditure Program (NEP) ng Pangulo para sa deliberasyon ng Kamara at Senado.

“The process is very tedious. When the NEP reaches the House, it is deliberated by the Appropriations Committee then before the House plenary, when amendments are made for the approval of the House General Appropriations Bill. I don’t understand how things like that will happen,” ani Luistro.

“What was reported to me was what was included in the NEP was included as well in the House General Appropriations Bill. I was told it was almost the same amount,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Luistro na nagtanong siya sa kinauukulang DPWH district engineering office tungkol sa P1.3 bilyong alokasyon, ngunit hindi rin umano matukoy ng tanggapan ang batayan ng naturang halaga.

“I asked the district office about the P1.3 billion, and they could not find the basis of that amount,” aniya.

Patuloy pa rin niyang inaalam kung paano naiugnay sa kanya ang naturang budget amendment o “insertion.” Hiniling din niya na makita ang listahan upang personal na mapatunayan ang mga detalye.

“I would like to express my interest to see that list so I can verify for myself also what really happened,” ani Luistro.

Samantala, sinabi ni PBC convenor Nadine Suzara na ang 2027 budget na inaprubahan ng Kamara ay isang “very politician-centered budget.”

Ayon kay Suzara, hindi sapat na natutugunan ng panukalang badyet ang mga pangmatagalang problema gaya ng kakulangan sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon, malnutrisyon, stunting, at kakulangan sa tulong pangkabuhayan.

Sa kabuuang P7.2 trilyong badyet, sinabi ni Suzara na P1.515 trilyon lamang ang matitira para sa iba pang gastusin matapos ibawas ang pambayad sa utang, bahagi ng mga lokal na pamahalaan sa koleksiyon ng buwis, at mga gastusin sa pagpapatakbo ng pamahalaan, kabilang ang suweldo at maintenance expenses. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here