MANILA, Philippines – Naghahanda na ang mga pantalan sa bansa para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas 2026.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), tiniyak ng Port Management Office (PMO) Mindoro na handa na ang kanilang Online Reservation Assistance System (ORAS) sa pamamagitan ng paghahanda ng mga kinakailangang kagamitan at workstation para sa mga nakatalagang tauhan.
Gagamit ng mga encoder at verifier upang mapabilis ang pagproseso at beripikasyon ng mga reservation ng mga pasahero at matiyak ang maayos na pagpapatupad ng sistema.
Bahagi ang ORAS ng pagsisikap ng PPA na palawakin ang paggamit ng digital technology at pasimplehin ang mga proseso upang mapabuti ang serbisyo sa mga pantalan.
Hinikayat naman ang mga pasahero na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe at makipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa impormasyon tungkol sa mga reservation at iskedyul ng biyahe. Jocelyn Tabangcura-Domenden