Manila, Philippines – Nagningning ang iba’t ibang henerasyon ng mga aktres sa pangunguna nina Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, Diamond Star Maricel Soriano, at “Sunshine” star Maris Racal dahil sa tinanggap nilang bigating awards sa 42nd Star Awards for Movies na ginanap sa Winford Resort and Casino Manila.
Pinarangalan ng PMPC Star Awards Inc. si Vilma ng Hall of Fame sa kategoryang Movie Actress of the Year dahil sa sampung beses niyang pagkapanalo sa naturang kategorya sa mga nagdaang edisyon ng Star Awards for Movies. Siya ang kauna-unahang aktres na nabigyan ng PMPC ng Hall of Fame award.
Labis ang pasasalamat ni Ate Vi sapagkat malaking karangalan ito para sa kanya.
Biro nga niya, ibig sabihin ba nito ay hindi na siya mabibigyan ng award ng PMPC. Gayunpaman, sinabi niyang hindi ito mangangahulugan na titigil na siya sa pag-arte. Espesyal na harana naman bilang tribute kay Ate Vi ang handog ng kanyang mga kaibigan at dating leadingmen na sina Edgar “Bobot” Mortiz at Tirso Cruz III.
Nagwagi naman bilang Movie Actress of the Year sina Maricel at Maris, na parehong present at personal na tinanggap ang kanilang tropeyo. Nanalo si Maricel sa mahusay niyang pagganap sa pelikulang “Meet, Greet & Bye,” habang si Maris ay nagpakitang-gilas bilang bida ng “Sunshine.”
Nag-uwi rin ng special award si Maris na Doye’s Skin Female Face of the Night.
Kabilang din sa mga aktres na pinarangalan sina Sylvia Sanchez at Krystel Go, na gumanap bilang mag-ina sa “ImPerfect.”
Si Sylvia ang itinanghal na Movie Supporting Actress of the Year, habang New Movie Actress of the Year ang iniuwing award ni Krystel. Masayang-masaya rin ang dalawa dahil ang “ImPerfect” ang nanalong Movie of the Year. Pati ang direktor ng movie na si Sigrid Andrea Bernardo ay nagwagi ring Screenwriter of the Year.
Ipinagmamalaki nila ang panalong ito dahil sa magandang kuwento ng pelikula tungkol sa Persons With Disability, na pinagbidahan din ng real-life PWDs.
Ang “Sunshine,” na pinagbidahan ni Maris at tungkol sa women empowerment, ang kinilalang Indie Movie of the Year habang ang direktor nito na si Antoinette Jadaone ang nagwaging Indie Movie Director of the Year.
Hindi nakadalo ang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Awardee na si Megastar Sharon Cuneta pero tinanggap naman ang award ng mismong anak niyang si Kakie, na pinerform din ang dalawa sa mga sikat na kanta ng kanyang mommy.
Hindi rin nagpahuli ang mga kalalakihan nang manalo si Jericho Rosales na Movie Actor of the Year para sa “Quezon.”
Si Richard Quan ang nagwagi sa Movie Supporting Actor of the Year para sa “How to Get Away with My Toxic Family.”
Movie Director of the Year naman si Lester Pimentel Ong para sa “The Delivery Rider.”
Si Lucas Andalio ang Movie Child Performer of the Year para sa “Call Me Mother.”
Espesyal naman para sa beteranong aktor at Mowelfund President na si Rez Cortez ang pagtanggap niya sa Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award dahil ang PMPC ang kauna-unahang nagbigay ng ganitong parangal sa kanya.
Dumalo sa event si Ian de Leon, ang anak ng yumaong Superstar at National Artist na si Ate Guy, para igawad kay Rez ang parangal gayundin kay Kakie para naman sa Megastar.
Bukod kay Vilma, iniluklok na rin sa Hall of Fame ang National Artist na si Ricky Lee sa kategoryang Movie Screenwriter of the Year, habang si Albert Michael Idioma naman ang elevated sa Hall of Fame para sa Movie Sound Engineer of the Year.
Tinanggap naman ng aktor at dating Child Wonder na si NiƱo Muhlach ang award para sa kanyang ama na si Alex Muhlach, na itinanghal na Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Awardee.
Present din sa awards night sina Boots Anson-Roa at Direk Dan Villegas para kasamang magparangal sa mga Lifetime Achievement Awardees at Hall of Famers.
Marami ang kinilig sa pagkapanalo nina Fyang Smith at JM Ibarra ng Movie Loveteam of the Year para sa “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins.”
Nagsilbi namang hosts ng Gabi ng Parangal sina Beauty Gonzalez, Emma Tiglao, Jameson Blake, at Tony Labrusca, na nakasungkit din ng special award na Doye’s Skin Male Face of the Night.
Nag-perform sa Opening ang OPM Chief at actor-TV host na si Ogie Alcasid. Habang nagkaroon naman ng spot number si Asia’s Phoenix Morissette.
Ang 42nd Star Awards for Movies ay inorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. sa pangunguna ng Pangulo nito na si Fernando de Guzman kasama ang Chairman ng Star Awards for Movies ngayong taon na si Melba Llanera. Si Vivian Poblete Blancaflor ang tumayong direktor ng awards night.
Naging katuwang ng PMPC sa Gabi ng Parangal bilang producer ang The Revival King na si Jojo Mendrez at ang EV Production and Events. JP Ignacio