Home OPINION AMIHAN AT EL NIÑO NGAYONG KAPASKUHAN

AMIHAN AT EL NIÑO NGAYONG KAPASKUHAN

1
0

MALAMIG na simoy ng hangin o nakapapasong init ng araw?

Iyan ang malaking tanong ngayon ng mga Pinoy matapos pumasok ang panahon ng Amihan habang nagbabanta naman ang napakalakas na El Niño.

Sa isang banda, inaasahan nating dala ng Amihan ang malamig na hangin mula sa hilagang-silangan habang sa kabilang banda, nariyan ang El Niño na posibleng magdulot ng matinding init, kakulangan sa ulan at tagtuyot sa maraming bahagi ng bansa.

Pero teka, alin nga ba sa dalawa ang mas mararamdaman ng taumbayan?

Ayon sa PAGASA, nararanasan na ang malakas hanggang napakalakas na El Niño sa Pacific Ocean at inaasahang maaari itong umabot sa pinakamalakas nitong yugto bago matapos ang 2026 at magpatuloy ang mga epekto hanggang unang kalahati ng 2027. Aba, eh hindi ito basta-bastang banta na pwedeng ipagwalang-bahala.

Ang masakit nito, kapag kumonti ang ulan, hindi lang pawis ang ating poproblemahin dahil posibleng maapektuhan ang suplay ng tubig, produksyon ng mga magsasaka, presyo ng mga bilihin at kabuhayan ng mga pamilyang umaasa sa agrikultura.

Sa mga ganitong pangyayari, sino ang sasalo sa dagdag-gastos kapag bumaba ang ani at tumaas ang presyo ng bigas, gulay at iba pang pangunahing pagkain? Siyempre, ang ordinaryong mamimili na kapos na nga sa kita, kakailanganin pang pagkasyahin ang budget sa gitna ng tumitinding init.

Huwag din nating isipin na dahil Amihan season na ay siguradong malamig na ang buong Pilipinas dahil paliwanag ng mga eksperto, maaaring hindi gaanong lumamig ang panahon dahil sa El Niño. Posible ring magkaiba ang mararanasang kondisyon depende sa lokasyon.

Kaya kung ako ang tatanungin, El Niño ang mas dapat paghandaan ng mga Pinoy ngayon, kahit Amihan na ang nangingibabaw na hanging pang-panahon. Hindi nangangahulugang mawawala ang malamig na simoy, kundi maaaring manaig ang mas mainit at tuyong kondisyon sa maraming lugar.

Dito dapat kumilos ang pamahalaan at kailangang tiyakin ang sapat na suplay ng tubig, tulungan ang mga magsasaka, bantayan ang presyo ng pagkain at maghanda ang mga ospital sa posibleng pagdami ng kaso ng sakit na may kaugnayan sa matinding init.

Sa mga mamamayan naman, magtipid sa tubig, iwasan ang matagal na pagbibilad sa araw at sundin ang mga abiso ng PAGASA.

Sa huli, hindi natin kailangang mamili kung Amihan o El Niño ang paniniwalaan. Pareho silang may epekto sa ating panahon, pero ang El Niño ang mas malaking bantang dapat tutukan.

Dahil sa laban ng malamig na hangin at nagbabagang init, ang tunay na kawawa ay ang Pinoy na walang sapat na tubig, walang proteksyon sa init at walang perang pantawid sa tumataas na gastusin.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here