NAPAKABILIS ang mga nagaganap na pagbabago at nakasasama o ikinababagsak sa ekonomiya ng ating bansa.
Kahapon lang na iniulat natin ang pagbagsak ng halaga ng piso kontra United States dollar mula sa P62.38 noong Agosto sa P63.60, bumagsak pa ngayon ang piso sa P63.95.
Bagaman piso-piso at senti-sentimo ang mga pagbagsak, kapag sinukat ito sa libo-libo, milyon-milyon o bilyon-bilyong pisong halaga ng mga transaksyon, anak ng tokwa, napakalalaki ang halaga ng mga ito na higit na nakasasama kaysa nakabubuti sa higit na nakararami sa atin.
Para sa mga pamilyang overseas Filipino workers, darami ang kanilang pera mula sa mga padala.
Pumapaldo rin ang bulsa ng mga exporter dahil pagtanggap nila ng mga dolyar na bayad saka ipalit sa piso sa loob ng bansa, darami rin ang kanilang mga salapi.
Pero gaya ng kalagayan ng nakararami na higit na gagastos sa bagsak na piso, masasama rin sila bilang biktima ng matataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ang masama pa, lalo ring bumagsak ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado mula sa $110 kamakalawa sa $115 kahapon, lalo na ang Brent Oil na kabilang sa mga sukatang ng presyong pandaigdigan.
Sa pagmamahal ng presyo ng krudo, kasama na ring magmahal ang mga produkto mula rito gaya ng diesel, gasolina, kerosene, avation fuel sa eroplano at bunker oil sa mga barko.
LAHAT BIKTIMA
Sa mga pagbagsak ng halaga ng piso at pagtaas ng presyo ng langis, lahat ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, kabilang ang kuryente, transportasyon at tubig, ay tataas pa.
Diyan biktima ang lahat, lalo na ang mga wala o kapos na kapos sa kita.
Kaya naman hindi nakapagtataka kung bakit sa mga sarbey na isinasagawa ng katulad ng Social Weather Station nitong Setyembre, 55% ng mga pamilya Filipino ang nagsabing sila’y “mahirap” at tumaas mula sa 49% noong Hunyo.
Napakasakit niyan at kabaligtaran ng ipinagmamalaki ng pamahalaan na mayaman na ang Pinas sa pagiging miyembro ng mga bansang nasa “upper level middle income” na bansa.
Sa Pulse Asia naman, pinakaproblema ng 70% ng mga Pinoy ang sobra nang mahal na mga bilihin, pangunahin man o hindi, at bayarin sa mga serbisyong kuryente, tubig at transportasyon.
AGAWAN SA PWESTO ANG INAATUPAG
Ang masama pa, sa halip na harapin at ihanapan ng mga epektibong kasagutan ang mga problema sa bagsak na piso, mahal na langis, lumalalang kahirapan at mataas na presyo ng mga bilihin, ang higit na inaatupad ngayon ng gobyerno ay pamumulitika.
Naririyan ang nakatakbang pagsipa sa pwesto kay Vice President Sara Duterte sa impeachment at pagpapalit sa kanya ng sunod-sunurang Bise Presidente, paghuli o pagpatay kay Senador Bato dela Rosa at pagturing na mali ang desisyon ng Supreme Court na may naganap na mga dambuhalang korapsyon sa mga batas sa pambansang badyet noong 2024, 2025 at 2026.
PAGTITIIS HANGGANG KAILAN?
Matiisin, matiyaga at mapagpatawad ang mga Pinoy sa mga lumalapastangan at nagpapabaya sa kanila.
Pero hanggang saan at kailan ang pagtitiis, pagtitiyaga at pagpapatawad nila?
Magbantay-bantay ang mga dapat managot!






