AUTOMATIC ba na kapag nagpakasal ang babae ay kailangan niyang gamitin ang family name ng kanyang asawa?
Hindi. May pagpipilian ang isang babaeng may asawa kung anong pangalan at apelyido ang gagamitin niya.
Halimbawa, ang pangalan ng babae ay JUANA MAGANDA at nagpakasal siya kay JUAN MALAKAS. Sa ilalim ng Article 370 ng Civil Code, maaaring gamitin ni Juana ang mga sumusunod:
Ang kanyang maiden first name at apelyido sa pagkadalaga, na dinagdagan ng apelyido ng asawa: JUANA MAGANDA MALAKAS.
Ang kanyang maiden first name at apelyido ng asawa: JUANA MALAKAS.
Ang buong pangalan ng kanyang asawa, na nilalagyan ng salitang nagpapakitang siya ay asawa nito, gaya ng MRS. JUAN MALAKAS.
Karaniwan, ginagamit ng babae ang kanyang pangalan at apelyido sa pagkadalaga, kasama ang apelyido ng asawa, at nilalagyan pa ng MRS. sa unahan. Ngunit hindi kinakailangan ang ganitong prefix.
Pwede bang panatilihin ni Misis ang kanyang pangalan at apelyido sa pagkadalaga kahit kasal na siya? Pwede. Ito ang karapatang nais linawin sa House Bill No. 1548 na inihain ni San Juan Representative Bel Zamora.
Layunin ng panukala na bigyan ang mga babaeng may asawa ng malinaw na ligal na pagpipiliang ipagpatuloy ang paggamit ng kanilang maiden name at surname sa lahat ng opisyal na rekord at ligal na dokumento pagkatapos ng kasal.
May ilang law experts na nagsasabing hindi na kailangan ang panukala dahil nakasaad na sa Article 370 ang salitang “MAY USE.” Gayunman, wala sa tatlong opsyong tahasang nakalista sa artikulo ang paggamit lamang ng pangalan at apelyido sa pagkadalaga.
Ito marahil ang layunin ni Zamora na malinaw na kilalanin sa batas ang karapatang panatilihin ng babaeng may asawa ang kanyang pangalan at apelyido sa pagkadalaga.
Payag ba si mister kung hindi gagamitin ni misis ang apelyido niya? Hindi ito dapat nakasalalay sa kagustuhan ng mister, kundi sa pagpili ni misis.
Hindi masamang linawin at protektahan ang karapatan ng babaeng may asawa na pumili ng pangalang gagamitin niya.
Suportado natin ang panukalang ito ni Cong. Bel Zamora.






