MAKARAANG magkakaisa ang mga Hukom sa Supreme Court na ideklarang labag sa Konstitusyong 1987 o unconstitutional ang mga batas sa pambansang badyet para sa 2024, 2025 at bahagi ng 2026, pinaputok naman ang iba’t ibang isyu na higit na mas maliliit para kalimutan ito ng taumbayan.
Napakahalaga ring iniutos pa ng SC na hanapin ang mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng nasabing mga batas at sampahan sila ng mga kasong kriminal, sibil at administratibo.
Ibig sabihin nito, mga brad, dapat kumilos na ang Office of the Ombudsman, Department of Justice, National Bureau of Investigation, Philippine National Police at iba pa na mag-imbestiga, maghain ng kaso sa Sandiganbayan at Regional Trial Court para makulong, masamsaman ng nakaw na yaman at matanggal sa pwesto ang mga mapatutunayang may sala sa mga paglabag sa Konstitusyon.
Tumatagos ang kautusan ng SC sa paghahanap ng mga may sala o pananagutan sa hanay daan-daang miyembro ng Kamara, Senado at taga-Palasyo, halimbawa, sa mahigit P500 bilyong pinagkikbakan sa nasabing mga taon.
Tandaang may mga hindi pa natutuklasang mga kikbakan at nagsisilutangan lang sa mga araw na ito ngunit hindi pinapansin ng mga tinutukoy ng SC na dapat managot.
Ngayon naman, upang mawalan ng interes ang mga mamamayan at makalimutan nang tuluyan ang desisyon, pinapuputok ang ibang mga isyu gaya ng kung sino na ang papalit kay Vice President Sara Duterte matapos itong madeklarang guilty sa impeachment at masibak sa pwesto.
Naririyan din ang paglalabas ng P50 milyong patong sa ulo ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang may magtraydor sa kanya at madakip o kaya’y mapatay ito…kung manlaban.
Kung iisipin, dalawa lang na opisyal ng pamahalaan sina VP Sara at Sen. Bato kumpara sa sandamukal na mga kriminal, mandarambong at abusado sa kapangyarihan na miyembro ng Kamara, Senado at taga-Palasyo na pinahahanap at pinahahabol ng Hukuman sa paglabag sa Konstitusyon.
Sey n’yo, mga brad?






