ISA kong kaibigang Tsinoy ang umaangal sa kanyang negosyo sa Chinatown. Luki (lugi) na raw siya kaya pinag-iisipan kung siya ay magsasara.
Pumunta kayo sa Divisoria sa Maynila at pansinin ang sitwasyon.
Malayong-malayo ito ngayon sa mga nakalipas.
Asahan na natin kapag tumuntong ang “Ber months”, hindi mahulugang karayom ang Divisoria sa dami ng mga mamimili.
Pati mga mandurukot ay pumapaldo sa Divi sa rami ng kanilang madudukutan.
Ang mga sikat na Tutuban, 168, 999 at Divisoria Malls ay nilalangaw. Ibig sabihin ay kakaunti ang mga bumibili kahit mura at bargain na ang mga paninda.
At kapag ganitong panahon na papalapit na ang Pasko, nagiging problema na ng pamahalaang lungsod ang tone-toneladang basura. Kasi, ang tambak ng basura sa Divisoria ay hindi naman laging larawan ng kadugyutan ng mga tao, kundi ebidensya na “boom na boom” ang mga negosyo rito.
Hindi lang sa Divisoria, maging ang malalaking malls ay nilalangaw. May ilang shops na ang nagsara.
May mga nagpupunta nga sa mall hindi para mag-shopping kundi para tumambay at magpalamig ng ulo at magrelaks.
May groceries at supermarkets na ring umaangal dahil sila ay nalulugi. Kasi’y nagrereklamo rin ang mga konsyumer sa taas ng presyo ng mga bilihin. Sabon, delata, noodles, tinapay at kung ano-ano pa.
Both sides (consumer at negosyante) ay parehong walang magawa dahil napakamahal na talaga nang lahat.
Walang magawa kasi’y bagsak na ang piso kontra dolyar. Itong P63.95 kontra $1 sa palitan ang pinakamalalang nangyari sa bansa.
Tayong mahihirap na may kakaunting piso lamang ang apektado habang ang paldo ay ‘yung mga dati nang mayayaman na may nakatagong dolyar-dolyar na pera.
Kaya ramdam ko ang reklamo ng aking kaibigan. Hindi lang siya ang lugi. Pati tayong lahat na karaniwang tao ay lugi.
Kapag lugi ang negosyo, lugi rin ang mga empleyado. Kung sila ay magsasara, yari tayo. Kung mawawalan tayo ng pera, mawawalan tayo ng pambili. Magpa-Paskong tuyo talaga tayo.
Hindi natin tuloy mawari kung saang planeta tayo dinadala ng ating Pangulo. Hindi siniseryoso ng gobyernong ito ang ating ekonomiya.
Nagtatrabaho naman daw ang Pangulo…paano? Nakailang beses na nangibang bansa pero walang investor na pumapasok…puro pangako lang.
Bagsak na bagsak ang ating ekonomiya dahil walang umiikot na pera sa taumbayan para may ipambili. Ang umiikot lang ay ayudang bigas na kapag naisaing ay tapos na…nganga uli.
Pero ang pera para sa totong tulong sa sambayanan, umiikot lang sa bulsa ng mga magkakakampi sa Kongreso at Senado para ipagtanggol ang inutil na Presidente.
Real talk lang po, wag magagalit!






