MANILA, Philippines – Hinimok ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga ahensya ng gobyerno na gawing mas simple ang mga requirement para sa maliliit na negosyo at tulungan silang mapalago ang kanilang kabuhayan.
Kasunod ito ng desisyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na pansamantalang suspindihin ang mandatoryong pagpapakita ng Registration Seal Badge para sa online sellers at content creators habang sinusuri ang mga usapin sa privacy at technical implementation.
“A business does not have to be big to matter. If it keeps a child in school or a family out of debt, it is doing something worthwhile,” ani Cayetano.
Malugod niyang tinanggap ang hakbang ng BIR ngunit sinabi niyang marami pang maaaring gawin ang gobyerno upang matulungan ang maliliit na negosyo, kabilang ang mga nasa informal sector.
Hinimok niya ang mga ahensya na pagbutihin ang koordinasyon upang mapabilis ang mga proseso at mabawasan ang oras at gastos ng mga negosyante sa pagsunod sa government requirements.
“We should help, not hamper, these entrepreneurs. Our goal is to help them grow within the formal economy,” dagdag niya.
Ayon kay Cayetano, may mga small sellers na nais lamang magkaroon ng matatag na kabuhayan habang ang iba naman ay nagnanais palawakin ang negosyo at makalikha ng trabaho.
Giit niya, parehong dapat mabigyan ng patas na pagkakataon ang mga ito.
Sinabi rin ng senador na kailangan ang whole-of-government approach upang maprotektahan ang consumers, personal information at public revenues habang pinapadali ang proseso para sa entrepreneurs.
Nagpasalamat din si Cayetano sa mga online seller, content creator at iba pang stakeholder na nagpahayag ng kanilang saloobin sa polisiya.
Aniya, mahalagang pakinggan ang mga direktang nakararanas ng government requirements upang makabuo ng mas maayos at praktikal na mga patakaran.