MALABON CITY – Arestado ang isang 41-anyos na tricycle driver matapos umanong gulpihin at tutukan ng patalim ang isang 17-anyos na binatilyo na aksidenteng nakasagi sa kanyang tricycle sa Barangay San Agustin.
Batay sa ulat na nakarating kay Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, nagtutulak ng kariton na may kargang softdrinks ang biktima pasado alas-5 ng hapon nang aksidenteng masagi ang tricycle ng suspek sa isang eskinita.
Nagalit umano ang tricycle driver at pinagmumura ang binatilyo, na nagtangkang umiwas ngunit hinabol pa rin ng suspek.
Nang maabutan, kinuwelyuhan umano ng suspek ang biktima, pinagsusuntok sa mukha at tinutukan ng patalim habang pinagbabantaan.
Nakauwi naman ang binatilyo at nagsumbong sa kanyang mga kamag-anak, na sumama sa kanya sa tanggapan ni P/Cpt. Marcelo Agarin, Acting Sub-Station 6 Commander.
Sa follow-up operation, naaresto ang suspek sa tulong ng mga barangay tanod.
Mahaharap siya sa mga reklamong kaugnay ng pananakot, pananakit at paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Malabon City Prosecutor’s Office.