MANILA, Philippines – Pinawalang-sala ng Korte Suprema ang isang babae na nahatulang guilty sa kasong parricide o pagpatay sa sariling asawa matapos matukoy na dumaranas ito ng “battered wife syndrome.”
Sa desisyon ng 2nd Division noong Hulyo 14 na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, pinagbigyan ang apela ng babae na nahatulang guilty ng Regional Trial Court noong 2020 at sinentensyahan ng reclusion perpetua.
Ipinag-utos ng SC ang agarang paglaya nito maliban kung may iba pa itong kinahaharap na kaso.
Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon ng RTC at itinaas pa ang danyos na babayaran nito mula P30,000 at P25,000 patungong P75,000 at P50,000.
Ngunit ayon sa SC, may merito ang apela dahil kahit inamin ng babae na binaril niya ang asawa gamit ang baril mismo nito, dulot ito ng matagal na emosyonal at pisikal na pang-aabuso.
Binanggit ng Korte ang Section 26 ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act na nagsasaad na ang biktimang napatunayang dumaranas ng battered woman syndrome ay hindi mananagot sa kriminal at sibil na pananagutan.
Sinabi rin ng Korte na nagkamali ang CA sa paghingi ng mataas na ebidensya.
“The Court of Appeals’ high evidentiary requirement is misplaced,” ayon sa SC.
Napatunayan sa kaso ang paulit-ulit na cycle ng karahasan, mula sa panlalamig, pangangaliwa noong 2010, hanggang sa pambubugbog na nagdulot ng sugat noong 2012.
Dahil dito, ipinag-utos ng Korte ang agarang paglaya ng akusado. Jocelyn Tabangcura-Domenden