Home NATIONWIDE PBBM may paalala sa mga byahero ngayong Undas

PBBM may paalala sa mga byahero ngayong Undas

3
0

MANILA, Philippines – PINAALALAHANAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang publiko lalo na ang mga babiyahe ngayong Undas.

Sa kanyang video message, unang paalala ng Pangulo ay planuhin ng mga mamamayang filipino ang kanilang biyahe at alamin ang mga abiso tungkol sa trapiko at pagbabago ng ruta.

Kung gagamit aniya ng pampublikong transportasyon, agahan ang pagpunta sa terminal at kung maaari ay bumili na ng ticket nang maaga.

At para naman sa mga biyaheng may online ticketing, hinihikayat ng Pangulo na gamitin ito upang makaiwas sa mahahabang pila sa mga terminal.

“Mag-ingat din sa pagdadala at pagsisindi ng kandila. Sundin ang mga patakaran sa sementeryo at makipagtulungan sa ating mga awtoridad. At higit sa lahat, mag-ingat sa inyong paglalakbay,” ani Pangulong Marcos.

Tiniyak ng Pangulo na bukas ang linya ng mga ahensiya ng pamahalaan upang alalayan ang mga ito.

Nandiyan aniya ang 911 para sa mga emergency at ang mga official page ng DOT, DPWH, DOH, MMDA, PNP at BFP para ipakalat ang mahahalagang impormasyon.

“Ang Undas ay panahon ng paggunita at pag-alala sa ating mga mahal sa buhay. Nawa’y maging payapa at makabuluhan ang pagdalaw ng bawat pamilyang Pilipino,” anito

Nauna rito, sinabi ng Pangulo na pinaghahandaan na ng pamahalaan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga publiko para sa Undas.

Una na aniya rito ay ang kaligtasan ng mga byahero.

Sa katunayan ay nagsasagawa na aniya ang Department of Transportation and Communication at mga ahensiya ng malawakan at masusing pag-inspeksyon sa mga paliparan, pantalan at terminal ng bus upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Patuloy aniya ang inspeksyon at pag-aayos ng mga pangunahing kalsada upang maiwasan ang abala sa byahe.

Ang mga agarang pagkukumpuni aniya ay tatapusin upang mabawasan ang abala sa trapiko sa pagdagsa ng byahe.

“Tinitiyak natin na may sapat na masasakyan ang ating mga kababayan,” ayon sa Pangulo.

Nagbigay na aniya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit 1,000 special permit para sa mga dagdag na bus.

Naglabas din aniya ang MARINA ng relaxation order at special permits mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3, 2026., upang mas maluwag aniya ang iskedyul ng pagbyahe ng mga pampasaherong barko. Magkakaroon din aniya ng mga karagdagang byahe sa ilang ruta kung kinakailangan.

“Para sa mga kababayan nating lilipad papasok o palabas ng bansa, tinitiyak natin na sapat ang tao at walang bakanteng immigration counter mula Oktubre 30 hanggang November 3,” aniya pa rin.

Winika pa ng Pangulo na paiigtingin din ang paggamit ng digital system kagaya aniya ng eGates upang mas mapabilis ang pagpila. Kasabay ng pagdagsa ng mga pasahero, magkakaroon ng round-the-clock help desk ang mga pangunahing terminal mula October 29 hanggang November 3 upang umalalay sa mga biyahero.

Sa Metro Manila aniya, mahigit 2,000 tauhan ng MMDA ang itatalaga upang tumulong sa pamamahala ng trapiko, lalo na sa mga lugar na malapit sa mga sementeryo.

“Pangalawa, ang kaayusan sa mga pampublikong lugar na dadayuhin ng ating mga kababayan. Nagsasagawa ng inspeksyon ang iba’t ibang ahensya upang tiyakin na handa at ligtas ang mga sementeryo, simbahan at iba pang mataong lugar,” ayon sa Pangulo.

Tiniyak aniya niya na ang bawat sementeryo at kolumbaryo ay may pulis upang siguruhin ang kaligtasan at kaayusan.

Ang Bureau of Fire Protection aniya ay may nakahandang rumesponde kung sakaling magkaroon ng insidente.

“Pangatlo, ang kahandaan sa anumang emergency. Nakaalerto ang ating mga ospital at health emergency teams,” ang tinuran ng Pangulo.

Patuloy rin aniya ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang mabilis na makatugon sa anumang insidente. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here