MANILA, Philippines – Hinimok ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang administrasyong Marcos na maglatag ng malinaw at konkretong plano upang matugunan ang patuloy na paghina ng piso at maprotektahan ang badyet ng mga pamilyang Pilipino.
Sa pahayag nitong Biyernes, Oktubre 30, sinabi ni Diokno na kailangang samahan ng agarang pagkilos ang mga pahayag ng pamahalaan na huwag mag-panic ang publiko. Umabot na umano sa mahigit P64 kada dolyar ang halaga ng palitan ng piso.
Ayon kay Diokno, hindi sapat ang payong manatiling kalmado dahil nais malaman ng mga Pilipino kung paano tutulungan ng pamahalaan ang mga pamilyang apektado ng paghina ng piso at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Higit pa sa payo, ang hinihintay ng taumbayan ay mabilis na pagkilos ng pamahalaan para mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at mahinang halaga ng piso,” ani Diokno.
Binigyang-diin niya na nahihirapan nang pagkasyahin ng maraming pamilya ang kanilang kita para sa mga pangunahing pangangailangan kaya kailangan ng tiyak na hakbang upang maibsan ang tumataas na gastusin.
“Filipino families are already stretching their incomes to cover basic needs. The government must lay out clear, concrete measures to address these economic pressures and ease the burden on ordinary households,” ani Diokno.
Dagdag pa niya, direktang nararamdaman ng mga pamilya ang paghina ng piso dahil nababawasan ang kanilang kakayahang bumili habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.
“Every time the peso weakens and prices rise, families can afford less with what they earn. The government must act to protect their purchasing power and ensure that basic necessities remain within reach,” aniya. RNT/MDS